Home NATIONWIDE OVP sapul ng data leak – grupo

OVP sapul ng data leak – grupo

7
0

MANILA, Philippines — Iniulat ng isang cybersecurity advocacy group ang umano’y data leak sa Office of the Vice President (OVP) na posibleng kinasasangkutan ng humigit-kumulang 10 gigabytes (GB) ng mga dokumento.

Ayon sa Deep Web Konek, lumitaw sa isang underground cybercrime forum ang claim ng hacker na gumagamit ng pangalang “DeathNoteHackers” na nakakuha umano ito ng mga dokumentong may kaugnayan sa scheduling platform ng OVP.

Sinabi ng grupo na batay sa post ng threat actor, tinatayang 12,979 PDF files na may kabuuang laki na humigit-kumulang 10GB ang umano’y nakompromiso.

Gayunman, nilinaw ng Deep Web Konek na hindi pa independently verified ang mismong files, nilalaman nito at kung lehitimo nga ang sinasabing nakuhang data.

May kasama rin umanong mga pahayag sa forum post na tumutuligsa sa spending priorities ng gobyerno, budget allocations at mga alegasyon ng iregularidad sa infrastructure projects.

Napansin din ng grupo na may tagging ang post na may kaugnayan umano sa Million Mask March 2026.

Gayunman, sinabi nitong hindi pa malinaw kung may direktang koneksiyon ang sinasabing data leak sa naturang aktibidad.

Wala pang kumpirmasyon mula sa OVP kung nagkaroon nga ng unauthorized access sa kanilang sistema o kung may aktuwal na sensitibong impormasyon na nakompromiso.

Wala ring nakitang opisyal na pahayag mula sa Department of Information and Communications Technology o National Privacy Commission hinggil sa partikular na insidente sa oras ng pagsulat.

Patuloy na hinihintay ang opisyal na resulta ng beripikasyon upang matukoy kung tunay ang mga dokumento at lawak ng anumang posibleng data exposure. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here