MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa mga opisyal ng barangay at pagsusulong ng mas maayos na serbisyo sa mga komunidad sa pagdalo niya sa Year-End and Christmas Celebration ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Gloria Maris, Pasay City noong Biyernes, Nobyembre 6.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Go ang hirap at sakripisyo ng mga opisyal ng barangay na siyang unang nilalapitan ng mga residente kapag may problema o nangangailangan ng tulong.
“Alam ko po hindi madali ang inyong trabaho bilang mga barangay officials. Kayo po ang unang nilalapitan ng ating mga kababayan kapag may problema. Minsan kahit wala na po sa oras, kayo pa rin ang tinatawagan,” ani Go.
Hinimok din niya ang mga opisyal na panatilihing bukas at madaling lapitan ang kanilang mga tanggapan, lalo na para sa mga mahihirap na mamamayan.
“Pakiusap ko lang po sa inyo mga barangay officials, full support po ako sa inyo. Pakiusap ko lang bukas po ang ating opisina parati lalong-lalo na po sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag niya.







