HINDI pa sumasapit ang buwan ng Disyembre pero sinasalubong nang masikip na daloy ng trapiko ang mga motoristang tumatahak sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Kaya naman inaasahan na habang palapit nang palapit ang araw ng Pasko ay pasikip nang pasikip naman ang mga lansangan sa mga siyudad tulad ng Maynila.
Maraming motorista na ang kumukwestiyon sa inilagay na mga kubol sa kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria na hindi malayong pwestuhan ng vendors na lilikha ng mas grabeng sikip ng trapiko.
Pero siyempre, kahit panay ang himutok ng mga motorista, pedestrians, residente, mga may ligal na puwesto at maging mga mangangalakal, may mga natutuwa naman tulad ng mga manininda, dahil magkakaroon sila nang pagkakataong kumita nang malaki ngayong Kapaskuhan dahil ang Divisoria ang talaga namang pangunahing dinarayo ng mga mamimili kapag Disyembre.
Ang isa pang abot tenga ang ngiti sa pagdaming muli ng vendors sa lansangan ay si alyas “Gerald” na nagpapakilalang bagong kolektor sa Maynila pero ang nakapagtataka, pawang mga saradong departamento ng Manila City Hall ang kanyang ipinangongolekta tulad ng Manila City Hall Action Team at QRT ng Department of Public Services (DPS) na binuwag at isinara noon pa.
Bakit mga saradong tanggapan ang gamit ni Alyas Gerald? Baka naman para lang masira ang pangalan ni ManilaMayor Honey Lacuna o kaya naman ay palalabasin na kolektor siya ng kalaban ni Mayora?
Ayon pa sa impormante, hindi lang vendors ang kinokotongan nitong si alyas “Gerald” kundi maging ang mga nagkalat pa ring fixer sa city hall at maging ang mga gumagawa ng pekeng diploma at dokumento sa C.M. Recto.
Ang nakagugulat, kapang-kapa ni alyas Gerald itong mga gumagawa ng pekeng dokumento, pati na ang fixers kahit patago pa ang operasyon kaya linggo-linggo niyang nakokotongan.
Maaaring bagong upo pa lamang sa kanyang posisyon si P/Maj. Rowell Robles ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila City Hall pero tiyak na may kalalagyan si alyas Gerald kapag trinabaho na siya ni Robles. Maging si Manila Police district director PBGen Thomas Ibay ay tiyak na ipag-uutos na rin ang pagdakip kay alyas “Gerald” kapag nalaman niya ang iligal nitong aktibidad.
Abangan ang pagbagsak sa kulungan ni Alyas Gerald at mabuking kung sino ang kanyang “Boss” na makapal ang apog na magpakolekta gayung iyang bagay na iyan ang ayaw ni Mayora Honey Lacuna.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.