NITONG Nobyembre 19, 2024, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 10924 o ang “Free Transportation of Relief Goods Act”, may 182 na mambabatas ang sumang-ayon.
Ikinatuwa ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagpasa ng panukala. Aniya ito ay nagtatatag ng mahalagang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor ng logistics, na nag-aatas ng libreng serbisyo sa paghahatid ng relief goods habang nagbibigay ng insentibong pampasuweldo sa mga lumalahok na kompanya.
Dagdag pa niya, sa pagtatanggal ng gastos sa transportasyon at pagpapadali sa proseso ng paghahatid, maseseguro na makarating agad ang tulong sa mga biktima ng kalamidad sa panahong pinaka-kailangan nila ito.
Inaatasan nito ang National and Regional Logistics Cluster na pinangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD), sa koordinasyon sa Department of Transportation (DOTr) at sa pakikipagtulungan sa Philippine Postal Corporation (PPC), mga freight company, common carrier, pribadong carrier, freight forwarder, at iba pang kompanya ng logistics sa bansa na magbigay ng libreng serbisyo sa paghahatid ng relief goods sa mga rehistradong organisasyong magsasagawa ng relief operations sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Kasama rin sa panukala ang pag-alis ng mga karagdagang gastos sa pagpapadala gaya ng arrastre services, pilotage, at iba pang port charges, pati na rin ang mga bayarin sa paliparan.
Para makuha ang partisipasyon ng pribadong sektor, magbibigay ang panukala ng 100 porsyentong tax deduction mula sa gross income para sa mga gastusin sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa freight, kabilang ang suweldo at allowance ng mga tauhan na direktang kasangkot sa transportasyon ng relief goods.
Ang National at Regional Disaster Risk Reduction Management Councils, sa pamamagitan ng kanilang Response Clusters, ang magpapadali sa mabilis na paggalaw ng mga tao, goods, at kagamitan papunta sa mga apektadong lugar at ahensya, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na mga tagapagpatupad ng batas, port authorities, at iba pang organisasyong may kaparehong mandato at responsibilidad.
Sa loob lamang ng halos isang buwan ay magkakasunod na hinagupit ng malalakas na bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika at Pepito ang Bicol region, silangan at hilagang Luzon na nakaapekto sa malaking bilang ng populasyon, sumira ng mga pananim at mga imprastraktura, at kumitil ng maraming buhay.