Home NATIONWIDE Abalos: Walang dahilan para magduda sa nirebisang bulto, halaga ng nasamsam na...

Abalos: Walang dahilan para magduda sa nirebisang bulto, halaga ng nasamsam na ilegal na droga

MANILA, Philippines- Walang nakikitang nakikitang dahilan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos para pagdudahan ang dami at halaga ng napalathalang nahakot na ilegal na droga sa Alitagtag, Batangas matapos na mabawasan ito.

Giit ni Abalos, dumaan ito sa tamang proseso.

Kaya nga, pakiusap ng Kalihim sa publiko at sa mga mamamahayag, alisin ang pagdududa at bigyan ng pagkilala ang mga taong nasa likod ng matagumpay na operasyon.

Nauna na kasing napaulat na humigit-kumulang dalawang tonelada ng hinihinalang shabu ang nasabat sa checkpoint ng mga awtoridad na nasa isang van sa Alitagtag, Batangas. Ang halaga nito, umaabot sa P13.3 bilyon, ayon sa pulisya.

Subalit, kalaunan ay nilinaw ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na nasa 1.4 tonelada lamang o P9.68 bilyong halaga ng crystal meth, na tinatawag na shabu, ang nasabat ng mga tauhan nito sa bayan ng Alitagtag sa lalawigan ng Batangas noong Abril 15 batay sa opisyal na bilang nito.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang ulat na ang halagang P13 bilyon na ibinigay noong una ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay pagtatantya lamang.

“Yung almost 2 tons na ibinigay was just an initial estimate of PDEA na base sa itsura at laman ng sako pero wala pa pong actual counting na nangyari doon,” ani Fajardo sa isang phone interview.

“Then nung matapos po ‘yung inventory kahapon, ang nabilang na lahat ng laman ng sako it turned out na nasa 1.4 tons po yung official count ng mga illegal drugs,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi rin ni Fajardo na ang inilabas na numero ng Batangas police ay hindi corrected version, dahil isinara niya ang anumang implikasyon na maaaring nabawasan na ang mga nakumpiskang narcotics.

“Hindi na dapat ito pag-uusapan kasi para sa akin klaro naman na estimate,” giit naman ni Abalos.

Matatandaang si Abalos ang nag-anunsyo na “more or less” P13.3  bilyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtyoridad, itinuturing itong “biggest single haul” ng nakumpiskang ilegal na droga.

Ipinakita rin niya ang mga nasabing droga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Idinepensa naman ni Abalos ang nauna niyang pahayag sa isang video kung saan sinabi niya ang tinatayang halaga.

Sa bagong kabuuang halaga ng nasamsam na ilegal na droga, sinasabing P3.6 bilyon ang ibinaba nito sa kabuuan ng naunang inanunsyong halaga. Kris Jose