Home NATIONWIDE Kondisyon ng OFWs sa Japan binabantayan ng DMW kasunod ng M-6.6 quake

Kondisyon ng OFWs sa Japan binabantayan ng DMW kasunod ng M-6.6 quake

MANILA, Philippines- Nakipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga employer ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Ehime at Kochi prefectures sa Japan upang matiyak ang kanilang kaligtasan kasunod ng 6.6-magnitude na lindol.

“Migrant Workers Office-Osaka issued Advisory No. 04-2024 today, reminding Supervising Organizations and Principals to monitor the condition of OFWs in their jurisdictions and report any incidents involving Filipino workers that the earthquake may have caused,” pahayag ng DMW nitong Huwebes.

Bandang alas-11:14 ng gabi nitong Miyerkules, niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang malawak na bahagi ng Western Japan.

Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), ang epicenter ng lindol ay sa Bungo Suido channel, timog ng Osaka, at may lalim na 50 kilometro.

Hindi nagdulot ng tsunami ang lindol, subalit natukoy ang magnitudes 1 hanggang 4 na pagyanig sa pumapalibot na Shikoku, Kyushu, at Chugoku regions ng southwest Honshu, main island ng Japan.

Iniulat din ng Kyodo News na nasa siyam na indibidwal ang sugatan hanggang nitong Miyerkules.

Sinabi ng DMW na batay sa inisyal na pagsusuri, walang natukoy na ulat ng mga sugatan o nasawing OFWs.

Subalit, inabisuhan ang MWOs sa Tokyo at Osaka na patuloy na bantayan ang sitwasyon at makipag-ugnayan sa Consulate General sa Osaka at sa Philippine Embassy sa Tokyo.

Sinabi ng DMW Head Office na maglalabas ito ng karagdagang updates ukol dito. RNT/SA