Home NATIONWIDE Reporma sa lupa hihilingin ni Digong kay VP Sara sakaling maging presidente

Reporma sa lupa hihilingin ni Digong kay VP Sara sakaling maging presidente

MANILA, Philippines- Sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules na sakaling maging presidente ang anak niyang si Vice President Sara Duterte, hihilingin niya rito na gawing prayoridad ang reporma sa lupa.

Bumisita si Duterte sa Barangay Pandaitan sa Paquibato district, Davao City para sa Araw ng Barangay kung saan hinikayat niya ang miyembro ng New People’s Army na magbalik-loob na sa pamahalaan.

“Panahon na siguro nga, kung si Inday ang mag-presidente, ingnon gyud nako sa iyaha, ‘Day, wala man tay utang kabubut-on sa mga dato, unaha na nang reporma sa yuta. Bungkaga nang dato, ihatag na lang sa mga tao,” bahagi ng kanyang talumpati.

(Panahon na siguro na, kung si Inday ang mag-presidente, sasabihin ko talaga sa kanya, “Day, wala naman tayong utang na loob sa mga mayayaman, unahin mo ang reporma sa lupa. Buwagin mo ang mayayaman at ibigay ang lupa sa mga tao.)

Ito ang inihayag niya matapos makita ang malawak na mga lupain ng mga negosyante habang papunta sa liblib na barangay.

Kahit na may apat na taon pa ang bise presidente para matapos ang kanyang termino, sinabi ng nakatatandang Duterte na sakaling maging presidente si Sara, maaari niyang unti-unting ipatupad ang reporma sa lupa para sa mahihirap.

“Ug ma-presidente si Inday, puhon, maluoy ang Ginoo og modagan. Unom ka tuig man na. Hinay-hinayon lang niya. Dili niya biglaan kay dako pud ang mawala,” anang dating Pangulo.

(Kung ma-presidente si Inday, soon, sa awa ng Diyos. Anim na taon naman ‘yan. Unti-untiin lang niya. Hindi biglaan dahil malaki rin ang mawala.)

Aniya, para sa mga hindi kayang bumili ng mga punla, pataba, at iba pang farm inputs, maaari nilang paupahan ang lupain.

Umapela rin si Duterte sa pamahalaan na ayusin ang mga kalsada sa Davao City.

Sinabi niya sa kanyang mga taga-suporta na wala siya sa oposisyon laban sa kasalukuyang administrasyon.

“Ako dili ko oposisyon. Dili pud ko kontra ni Marcos. Pero wala lang ko misuporta niya kay, niagi ko’g presidente, unya daghan kog naamigo nga mga kandidato pagka-presidente. So para walay mahiubos,” giit niya.

(Ako, hindi ako oposisyon. Hindi rin ako kontra ni Marcos. Pero hindi lang ako sumuporta sa kanya dahil dumaan ako pagka-presidente, tapos ay nagkaroon ako ng maraming kaibigan na mga kandidato pagka-presidente. So para walang malulungkot.) RNT/SA