Home NATIONWIDE Farm infra tututukan ng DA sa 2025

Farm infra tututukan ng DA sa 2025

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na gagawin nitong prayoridad ang konstruksyon ng farm infrastructures sa 2025 upang mapakinabangan ng mas maraming magsasaka at mga mangingisda.

Inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na imumungkahi nila ang budget na halos P513.81 bilyon, o mahigit doble ng kasalukuyan nitong budget na P208.58 bilyon.

“[The budget proposal] is still a work in progress but clearly shows the direction where we are headed,” ani Laurel.

Partikular na binabalak ng DA na humirit ng P287.98 bilyon para sa attached corporations nito, kabilang ang National Irrigation Administration (NIA), National Food Authority (NFA), Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), at ang National Dairy Authority (NDA); habang halos P225.83 bilyon naman ang hihilingin para sa modernisasyon at agricultural smuggling crackdown efforts ng bureaus ng DA.

Mayorya ng targeted expenditure ang ilalaan para sa rice subsector na katumbas ng 57 porsyento ng P294.21 bilyon.

Susundan ito ng fisheries subsector sa P50.6 bilyon; locally-funded projects sa P45.48 bilyon; at iba pang natitirang proposed funds para sa iba pang subsectors kabilang ang high-value crops, livestock, corn, at credit programs.

Sa naaprubahang budget ng DA para sa taong ito, P114.28 bilyon ang inilaan para sa mismong ahensya habang inilaan ang P94.30 bilyon para sa walong attached agencies nito.

Nauna nang sinabi ni Laurel na kailangan ng DA ng P93 bilyon para sa pagpapahusay lamang ng post-harvest facilities, na magpapababa sa rice at corn wastage sa bansa.

Sa kasalukuyan, halos 12 hanggang 15 posyento ng local rice production ang nasasayang dahil sa kakulangan ng post-harvest facilities, base sa DA. RNT/SA