Home NATIONWIDE Abalos: West Philippine Sea ipaglaban natin 

Abalos: West Philippine Sea ipaglaban natin 

Manila, Philippines – Binigyang-diin ni dating kalihim Benjamin “Benhur” Abalos na may karapatan ang Pilipinas sa West Philippine Sea at nananawagan sa mga Pilipino na manindigan laban sa patuloy na panghihimasok ng China.

“Ang West Philippine Sea ay isang napakasensitibong isyu, ngunit isang bagay ang dapat manaig sa bawat Pilipino—ipaglaban natin ang ating karapatan,” ani Abalos sa isang panayam sa midya sa Pampanga.

Sinamahan ni Abalos si Senate President Pro-Tempore sa pagkakaloob ng assistance sa mga mag-aaral sa Apalit National High School.

Ayon pa kay Abalos, sa kabila ng pagiging maliit na bansa, ang Pilipinas ay may mga karapatang dapat igalang at ipaglaban. “Harapin natin ang katotohanan. Maliit lang tayo. Malalaki ang ating mga katunggali. Ngunit isang bagay ang dapat manatiling malinaw para sa bawat Pilipino—kung ano ang nasa batas na sa atin, ito’y atin. Ipaglaban natin ito.”

Binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangan ng mga tamang hakbang at argumento sa usaping ito.

“Maraming mga forum ang maaaring pag-usapan ito. Dapat rin nating maunawaan ang tamang batas dito, ang tamang sumbungan ika nga. Let’s face it maliit na bansa lang tayo at malaking bansa ang kalaban natin,” sabi ni Abalos, isang abogado at naging alkalde ng Mandaluyong sa loob ng 15 taon.

Si Abalos, na kilala sa kaniyang islogan na “Kilos Abalos” at “Gawa, Hindi Salita” ay isa sa mga tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Alyansa Para sa Pagbabago 2025 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kasama sa mga adbokasiya ni Abalos ang ang pagbibigay ng mas maraming trabaho, pagrebisa sa Local Government Code of 1991 at pagpapalakas ng hustisya sa bansa. (Dave Baluyot)