MANILA, Philippines – Balak magsampa ng kaso ang legal team ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co laban sa mga awtoridad na nagsagawa ng seizure sa kanyang luxury vehicles, na sinasabing “illegally searched and seized.”
Ayon kay lawyer Ruy Rondain, kabilang sa posibleng kasong ihahain ang criminal at administrative charges laban sa mga miyembro ng PNP Highway Patrol Group (HPG) at marahil pati ang Bureau of Customs.
Hindi pa malinaw kung saang korte ihahain ang mga kaso.
Nasa 14 luxury cars ang na-seize mula sa condominium unit ni Co sa Fort Victoria Condominium sa Taguig noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ng HPG, nakarehistro ang mga sasakyan sa mga kompanyang pag-aari o konektado sa Co, kabilang ang Eco Leisure and Hospitality Holding Corp., Misibis Resort and Hotel Management Inc., at Sunwest Construction and Development Corp.
Noong nakaraang taon, idineklarang fugitive si Co ng Sandiganbayan matapos hindi humarap sa korte sa graft at malversation charges na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay sa road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro. RNT/MND