Home NATIONWIDE Abot-kayang NFA rice ibebenta sa Kadiwa stores sa sunod na linggo

Abot-kayang NFA rice ibebenta sa Kadiwa stores sa sunod na linggo

MANILA, Philippines- Magbebenta ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) warehouses sa Kadiwa stores at piling retailers simula sa susunod na linggo.

Ayon sa ulat nitong Biyernes, mananatiling “well-stocked” ang NFA warehouses sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas, at SOCCKSARGEN.

Upang maglaan ng espasyo bago ang darating na anihan, sisimulan ng NFA na magbenta ng bigas sa ilalim ng Rice for All Program sa P35 kada kilo, ayon sa ulat.

Binigyang-daan ng food security emergency declaration ng pamahalaan na makapaglabas ang NFA ng buffer stocks upang mapatatag ang presyo ng bigas.

“Puwede ‘yan under the food security emergency. Puwede namin i-release kasi inatasan kami ni DA, i-release niyo ang stocks niyo,” pahayag ni NFA Administrator Larry Lacson.

Gayundin, simula sa susunod na linggo, ibebenta ang aging rice stocks sa mas mababang presyo na P29 kada kilo, eksklusibo para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). RNT/SA