Home NATIONWIDE Acuzar: Pinas ‘on-track’ sa paglutas sa 6.5M housing backlog

Acuzar: Pinas ‘on-track’ sa paglutas sa 6.5M housing backlog

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na nasa tamang daan ito para itulak ang layunin na tugunan ang 6.5 milyong backlog sa pabahay bago pa matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito’y dahil sa mas maraming pribadong contractors at developers ang nangako na mamumuhunan sa mass housing.

Sa kasalukuyan, sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na may 40 proyekto, karamihan ay binubuo ng high-rise condominium-type buildings, ang nasa iba’t ibang ‘stages of development’ at konstruksyon sa buong bansa.

“Now that more private partners have signified interest to invest, I am confident that our housing projects will continue as planned. The active participation of private contractors and developers serves as the key to address the backlog on housing,” ayon kay Acuzar.

Ang mass housing ay partikular na inilaan para sa informal settler families (ISFs) at low-income earners.

Prayoridad naman ng DHSUD ay ang tinatawag na “in-city, on site mass housing” sa tulong ng local government units.

Kamakailan lamang, nagpalabas si Pangulong Marcos ng isang executive order na nag-aatas sa mga lokal na ahensya na tukuyin ang mga lupain ng gobyerno na maaaring gamitin para sa mass housing.

Samantala, sinabi ni Acuzar na ang lumalagong interes ng private contractors at developers sa mass housing ang dahilan ng patuloy na pagpapalabas ng developmental loans ng Pag-IBIG Fund.

Nito lamang May 24, nagpalabas ang Pag-IBIG Fund ng P761 million sa private contractors na nagpapatupad ng 4PH projects sa Nueva Ecija, Bulacan, Ilocos Norte at Bacolod City.

Ang Pag-IBIG Fund, sa pamumuno ni Chief Executive Officer Marilene Acosta, ay nangako ng P250 billion para sa Pambansang Pabahay.

Kabilang sa mga pinabagong private contractors na kasama sa 4PH ay ang Megawide Construction Corp., kung saan ang real estate arm nito na PH1 World Developers ay nahikayat ng Imus City local government bilang ‘partner’ sa implementasyon ng 4PH project nito na kamakailan lamang ay inilunsad sa Barangay Malagasang 1-G.  Kris Jose