MANILA, Philippines – MAY nakahandang contingency plans ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may namatay sa August 11 Chinese harassment sa Bajo de Masinloc.
“May mga contingency plan tayo kung may nangyaring namatay or kung inabutan ‘yung Coast Guard natin ng [People’s Liberation Army] Navy,” ang sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa isangpanyam.
“May mga actions tayong gagawin,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ni Brawner na ang military at PCG personnel ay inatasan na palaging sumunod sa “Rules of Engagement” sa pagganap sa kanilang tungkulin.
“At ang sabi doon sa Rules of Engagement is that we have the right to defend ourselves,” ang sinabi pa ni Brawner.
Tinuran pa ni Brawner na ang insidente ay hindi tumutugon sa requirements para sa pag-activate ng Mutual Defense Treaty (MDT) kasama ang Estados Unidos.
Sa ulat, dalawang barko ng China na bumomba ng tubig at humabol sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nagbanggaan sa West Philippine Sea (WPS) nitong Lunes. Sa kabila ng ginawang panggigipit sa PCG, nag-alok pa rin ang mga tauhan nito ng tulong sa Chinese personnel.
Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, nasa WPS ang barko ng PGC na MRRV 4406 (BRP Suluan) para magbigay ng tulong sa mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc nang habulin at bombahin ito ng tubig ng China Coast Guard. Mayroon din barko doon ng Navy ng China na humabol sa barko ng PCG.
“During the operation, Philippine vessels and fishermen encountered hazardous maneuvers and blocking actions from other vessels in the vicinity,” kuwento ni Tarriela.
“In particular, the MRRV 4406 (BRP Suluan) was targeted with a water cannon, but the seamanship skills by PCG crew members allowed the vessel to successfully evade from getting hit.”
Ayon kay Tarriela, kasama ng BRP Suluan ang BRP Teresa Magbanua at MV Pamamalakaya, sa pagpapatupad ng tinatawag na “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM)” na inisyatiba para magbigay ng tulong [tulad ng krudo] para sa mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc.
Matapos ang pagbomba ng tubig, nagsagawa umano ng mapanganib na pagmaniobra at pagharang ang CCG vessel 3104 at People’s Liberation Army Navy (PLA Navy) ship 164, pero ang dalawang barko ng China ang nagkabanggaan.
“The CCG 3104, which was chasing the BRP Suluan at high speed, performed a risky maneuver from the PCG vessel’s starboard quarter, leading to the impact with the PLA Navy warship,” ayon kay Tarriela.
Sinabi rin ni Tarriela na nagtamo ng matinding pinsala ang CCG.
“Following the collision, the PCG immediately offered support, including assistance with man-overboard recovery and medical aid for any injured CCG crew members,” saad ng opisyal.
Gayunman, hindi umano tumugon ang CCG crew sa alok na tulong ng PCG. Kris Jose