Manila, Philippines- Napansin ng mga kritiko si Aga Muhlach in a bad boy role nang lumabas siya bilang serial killer sa pelikulang “Sa Aking Mga Kamay” noong 1996.
After his effective performance sa movie, aminado naman siyang nahirapan na siyang magkaroon ng out-of-the box roles dahil na-typecast siya bilang matinee idol.
Kaya naman nang i-offer sa kanya ng Mentorque Films ang dark role ni Guilly sa “Uninvited,” sobra raw siyang na-excite.
Bukod kasi sa makakatrabaho niya ang Star for All Seasons na si Vilma Santos, na nakasama niya sa mga pelikulang “Sinungaling Mong Puso” at “Nag-iisang Bituin”, naghahanap daw talaga siya ng matinding materyal kung saan macha-challenge siya at maipapamalas ang kanyang versatility as an actor.
Dagdag pa rito, malaking factor din daw ang pag-eengganyo ni Ate Vi para tanggapin niya ang offer.
Hindi rin niya naitago ang excitement na bukod sa makakasama niya ang magaling at multi-awarded actress na si Ate Vi ay kasama rin niya sa MMFF entry si Nadine Lustre.
Hirit pa niya, akala raw niya ay leading lady niya si Nadine sa movie.
Mabuti naman daw na this time ay anak niya ang role ng Viva artist sa obra ni Dan Villegas.
Sa huli kasi niyang ginawang romantic drama na “Ikaw Pa Rin ang Pipiliin Ko” ay si Julia Barretto ang kanyang naging love interest.
Sey pa niya, hindi rin daw siya nanibago o nahirapan sa pag-portray ng kanyang role sa movie dahil malinaw ang pagkakalatag ng kanyang karakter sa iskrip.
“With all honesty and with all humility, hindi po siya mahirap gawin kapag ang kasama mo ay magagaling. I was having fun also.”
Paulit-ulit din lna sinabi niya na nag-enjoy siya sa pag-portray ng gray character na departure sa mga nakasanayang panoorin sa kanya ng mga tao.
“Masaya ko siyang ginawa. Masaya. Masayang maging masama— sa pelikula,” salaysay niya.
Deklara pa niya: “Nagulat kami ni direk, pinag-usapan namin. Sabi namin, ‘wag naman tayong gumawa ng typical na, alam mo na, masama ka lang. Maganda rin yung masama ka na minamahal ka rin.
“’Yan po ang ginawa namin dito kaya masaya po talagang gawin. And si Direk Dan Villegas, first time ko rin siyang makatrabaho and very open siya sa lahat ng kung ano ang gusto naming gawin,” dugtong niya.
Ang” Uninvited ” ay opisyal na kalahok sa ika-50 edisyon ng Metro Manila Film Festival.
Mula sa produksyon ng Mentorque Productions ni Bryan Dy at ng Project 8 Projects at sa direksyon ni Dan Villegas mula sa iskrip ni Dodo Dayao, tampok din sa powerhouse cast sina Tirso Cruz III, Mylene Dizon, Elijah Canlas, Gabby Padilla, RK Bagatsing, Lotlot De Leon, Ketchup Eusebio, Cholo Barretto, Gio Alvarez, at Ron Angeles. Archie Liao