MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Anti-Cybercrime Group of the Philippine National Police (PNP) ang publiko, partikular ang kababaihan, na iwasang mag-record ng mga pribadong sandali kasama ang kanilang mga partner, sa gitna ng tumataas na bilang ng extortion activities kaugnay sa kanila.
Sinabi ni Police Col. Jay Guillermo, pinuno ng PNP-ACG Cyber Response Unit, na mula sa 279 kaso mula Enero hanggang kalagitnaan ng Nobyembre noong nakaraang taon, umakyat na ang bilang sa 316 para sa parehong period.
Anang opisyal, sangkot sa pinakabagong insidente ang isang babae at kanyang dating kasintahan na pinipilit siyang makipagkita kapalit ng hindi pagpapakalat ng mga pribadong larawan at video na kuha noong magkarelasyon pa sila.
Nadakip ang suspek, ayon kay Guillermo, sa isang hotel sa Caloocan City nitong Lunes ng gabi. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 9995, o ang Photo and Video Voyeurism Act.
“We would like to advise the public not to record and save these intimate moments on digital devices,” ani Guillermo.
Ilang kababaihan ang sumangguni sa PNP-ACG ukol sa sextortion at extortion activities ng mga dati nilang karelasyon.
Bukod dito, mayroon ding mga nakaraang kaso kung saan kapwa nabibiktima ang mga kalalakihan at kababaihan ng extortion matapos mabuksan ng ibang indibidwal tulad ng mga nasa cellphone repair shops ang kanilang mga gadget.
Isa pang modus operandi na ibinabala ng PNP-ACG sa publiko ay ang imbitasyon sa social media users na makipag-video call at magsagawa ng malalaswang gawain, nang hindi nalalamang nire-record ito.
Batay sa PNP-ACG data, ang mga biktima ay karaniwang 16 hanggang 40 taong gulang. RNT/SA