MANILA, Philippines – Ipinanukala ni dating senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Sabado, Marso 1, na huwag isama ang mga sasakyan na naghahatid ng agricultural products sa pagtataas ng toll sa expressway.
Ang apela na ito ni Pangilinan ay kasabay ng panayam sa sidelines ng kanyang house-to-house sortie sa Mandaluyong City nitong Sabado, kasama sina Senador Risa Hontiveros, dating senador Paolo Benigno “Bam” Aquino at human rights lawyer Chel Diokno.
“Kung maaaring magkaroon ng moratorium for the time being, kahit na doon sa ating mga logistics na nagdadala ng gulay, karneng baboy, bigas, prutas sa Maynila,” ani Pangilinan.
“Baka pupwede ang apela natin sa mga toll operator ay huwag munang patawan ng increase kung ito ay tungkol sa food security,” giit pa niya.
Ang apela ay kasunod ng pag-anunsyo ng Toll Regulatory Board (TRB) ng toll fee increase sa Northern Luzon Expressway (NLEX) simula ngayong araw, Marso 2.
“Huwag na munang patawan ng dagdag na toll para hindi na dagdag na cost of production at logistics at matataas pa pati ang presyo ng pagkain,” sinabi pa ni Pangilinan. RNT/JGC