Home NATIONWIDE Tie-up ng DOTR, Smart nais ni PBBM sa signaling system ng NSCR

Tie-up ng DOTR, Smart nais ni PBBM sa signaling system ng NSCR

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na magkaroon ng
broadband co-sharing partnership sa Smart Communications, Inc. para tugunan ang frequency issues sa North-South Commuter Railway (NSCR) Project.

Ibinigay ni Marcos ang direktiba sa pakikipagpulong sa Regional Development Council 3 (Central Luzon) sa San Jose Del Monte City, Bulacan nitong Biyernes, Pebrero 28, ayon sa kalatas ng Presidential Communications Office nitong Sabado.

Sa pagpupulong, iginiit ni Marcos ang kahalagahan na makipag-usap kay Smart Communications chairperson at chief executive officer Manny Pangilinan para resolbahin ang problema sa broadband frequency para sa signaling system ng NSCR.

“It’s been left hanging for quite a while and knowing Smart and Manny, nakakausap naman natin [sila]. We’ll just find a way to it,” sinabi ng Pangulo sa mga opisyal ng DOTR.

“Nakikiusap tayo sa Smart na kahit na kaunting broadband ipamigay nila, ibalik nila sa atin para magamit ng commuter railway.”

Siniguro naman ni DOTr Secretary Vince Dizon sa Pangulo na ang pagkakaroon ng signaling system ay isa sa prayoridad ng ahensya.

“This was the top item on the agenda and based on my initial talks with Smart, I think we can come to a quick resolution to this,” ani Dizon.

Ang NSCR ay isang 147 kilometrong mass transit system na magkokonekta sa Clark, Pampanga at Calamba, Laguna. RNT/JGC