MANILA, Philippines – Inaresto ang dating vice mayor ng Minglanilla, Cebu at tatlo nitong kapatid matapos akusahan na ipinag-utos ng mga ito ang pagpapabakod ng isang lupain sa kabila ng kawalan ng government permits.
Noong Pebrero 20, nag-isyu ng warrant of arrest si Judge Albie Charisse Faith Sojor ng Municipal Trial Court in Minglanilla laban kay dating vice mayor Loben Geonzon, 49, sa paglabag sa Section 301, in relation to Section 213 ng Presidential Decree No. 1096 o ang National Building Code of the Philippines.
Kasama rin sa inaresto ang mga kapatid nitong sina Atty. Lynette, 52, dating konsehal ng bayan at ngayon ay kasalukuyang konsehal ng barangay Tunghaan; Glenson, 54; at Lonito.
Inaresto ang magkakapatid na Geonzon sa kanilang tahanan sa Brgy. South Poblacion sa Naga City ngunit agad na pinakawalan sa detention sa kaparehong araw matapos makapagpiyansa ng tig-P12,000.
Ang apat ay may bahay sa Naga City at Minglanilla.
Sa social media post, sinabi ni Lynette na posibleng ang kanilang pagkaka-aresto ay may kinalaman sa pagtakbo ng kanyang kapatid sa pagka-konsehal sa Minglanilla sa halalan sa Mayo.
Aniya, pinagbantaan na rin umano si Loben bago pa lamang ang paghahain nito ng Certificate of Candidacy (COC).
“Sa wala pay nilangsad si Vice Loben giwarningan na nga ikiha Kung modagan pero ang gugma niya Sa taga Minglanilla nilabaw ug mipatigbabaw. Mao padayon ta pinangga namong Minglanilla,” saad sa post ni Lynette.
Sa ulat, inakusahan ang magkakapatid na naglagay ng bakod sa paligid ng kanilang ari-arian sa Minglanilla kahit na walang permit mula sa pamahalaan.
Nagpadala na ng mga notice para sa illegal na konstruksyon ngunit hindi umano ito pinansin.
Dahil sa paglalagay ng bakod, sinabi ng ilang residente na hindi na sila makapunta sa kanilang mga bahay, dahilan para maghain ang mga ito ng reklamo sa Municipal Engineering Office.
Ipinadala ang mga tauhan mula sa Office of the Building Office (OBO), para inspeksyunin ang lugar at nakitang illegal ang konstruksyon ng bakod.
Nagpadala ng notice si Municipal Engineer Joselito Nacario sa mga Geonzon.
“From the evidence presented thus far, the undersigned finds that there is prima facie evidence to charge the respondent for violation of Section 301, Chapter 3 (Illegal Construction) of PD No. 1096, otherwise known as the National Building Code of the Philippines, and that there is a reasonable certainty of conviction based on available witnesses and documentary evidence produced,” ani Assistant Provincial Prosecutor Ivy B. Susvilla-Layson sa summary resolution na inaprubahan ni Provincial Prosecutor Ludivico Vistal Cutaran. RNT/JGC