MANILA, Philippines – Inamin ni Ibajay, Aklan Councilor Mihrel Senatin na siya ang bumaril at pumatay kay Vice Mayor Julio Estolloso dahil umano sa “pagiging malamig” nito sa kanya kamakailan—isang pahayag na tinutulan ng mga kaalyado sa pulitika.
Binawian ng buhay si Estolloso noong Agosto 8 matapos barilin nang hindi bababa sa siyam na beses sa kanyang opisina.
Ayon sa pulisya, may 18 tama ng bala sa katawan ng biktima, karamihan sa dibdib.
Nahuli si Senatin sa kanyang bahay noong araw ding iyon, at narekober ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen. Positibo rin siya sa gunpowder residue at sinampahan na ng kasong murder.
Walang natukoy na malaking alitan sa pagitan ng dalawa, at posible umanong may kinalaman ang isyu sa mental health.
May mahigit 1,100 kaso ng mental health ang naitala sa Aklan mula 2000, at kasalukuyang gumagawa ng ordinansa ukol dito.
Pinaigting ang seguridad sa munisipyo sa pamamagitan ng one-entry, one-exit policy, na ipinatupad din sa kapitolyo. Itinalaga si Councilor Nestor Inocencio bilang bagong vice mayor. Nakatakda ang libing ni Estolloso sa Agosto 25. RNT