MANILA, Philippines – Itinanggi ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, Agosto 1, ang mga alegasyon laban kay Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. na siya ay sangkot sa gambling activities, kasunod ng formal complaint na inihain laban sa kanya.
“Mariing itinatanggi ni Department of Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. ang paratang sa kumakalat na liham ukol sa diumano’y pamamalagi ng Kalihim sa mga casino para magsugal,” saad sa pahayag ng DOH.
Nilinaw ni Pujalte na ang pagpunta niya sa isang hotel noong Hulyo 20 ay “strictly for official business.”
“Naimbitahan siya para dumalo sa isang opisyal na pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Masbate at Sorsogon sa isang hotel. Tanging ang pagbibigay ng tulong sa mga pampublikong ospital sa rehiyon ang pinag-usapan sa naturang pagtitipon,” saad pa sa pahayag.
Si Pujalte ay lumabag umano sa Section 14(a) ng Presidential Decree No. 1869, na nagbabawal sa opisyal ng gobyerno na maglaro sa mga casino, maging sa Republic Act No. 6713, o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Iginiit ng DOH na nananatiling nakatutok ang ahensya sa paghahatid ng dekalidad na healthcare services sa publiko.
Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Pujalte bilang Health Secretary noong Hulyo 13 kasunod ng pagbibitiw ni Dr. Teodoro Herbosa. RNT/JGC