MANILA, Philippines- Nakatakdang maghain ng Department of Justice (DOJ) ng qualified human trafficking case laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at umano’y kanyang business partners.
Kabilang sa mga kakasuhan ang umano’y POGO “big boss” na si Huang Zhiyang.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Supreme Court ng hirit ng DOJ na ilipat ang hearing mula Regional Trial Court (RTC) Branch 66 ng Capas, Tarlac, sa Pasig Regional Trial Court.
Sa liham na may petsang April 22, 2024 para kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo, inihirit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa SC na ilipat ang criminal case numbers 9855-9857 (PP vs Ma The Pong, Wang Weili, Lang Xu et al.) mula sa RTC ng Capas, Tarlac sa Metro Manila.
“Iyong main factor dito, si Mayor Alice Guo saka kanyang mga kasamahan, mga korporasyon. Tatlong korporasyon ito, iyong Baofu, Hongsheng, at Zun Yuan… Dahil maliwanag sa ebidensya na nakikipag-ugnayan sila upang maipalaganap ang mga kriminal na gawain ng POGO na ito…. Hiniling natin natin sa Korte Suprema na ilipat ang kaso sa mas neutral ground,” ani DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, pinuno ng Inter-Agency Council Against Trafficking, sa isang panayam nitong Biyernes.
“Nakita ng ating mga prosecutors at law enforcement na kung pagtagpi-tagpiin mo, pagdugtungin mo yung lahat ng ebidensya ay malalim ang partisipasyon ni dating Mayor Alice Guo sa human trafficking,” base naman kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez.
“I commend the SC for their unwavering commitment to safeguard the laws of the land in order to avoid the miscarriage of justice, the DOJ vows that we will prosecute these cases with burning resolve and integrity,” wika pa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Base sa DOJ, walang kaukulang piyansa ang mga kasong inihain sa ilalim ng Republic Act (RA) 9208, o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, at maaaring patawan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
Matatandaang inilipat ang graft case ni Guo sa Valenzuela Regional Trial Court.
Nahaharap din si Guo sa reklamong tax evasion at money laundering sa DOJ.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ni Guo hinggil sa nakaambang paghahain ng DOJ ng human trafficking case laban sa dating alkalde at kanyang co-respondents. RNT/SA