MANILA, Philippines- Ipinag–utos ng Valenzuela court na humarap si dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa House of Representatives, base sa Philippine National Police nitong Miyerkules.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na inaprubahan ng regional trial court ng lungsod ang pagdalo ng dating alkalde, na ang tunay na pangalan ay Guo Hua Ping, sa quad committee hearing sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) probe sa Huwebes.
Hindi maaaring dalhin si Guo, kasalukuyang nakaditene sa PNP custodial center, sa Kamara nang walang pag-apruba ng korte.
Nagsilbi ang Tarlac Regional Trial Court Branch 109 ng warrant of arrest laban kay Guo noong nakaraang Huwebes hinggil sa umano’y paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act.
Itinakda ang P180,000 piyansa para sa kanya subalit hindi ito nagpiyansa kaya nasa ilalim pa rin siya ng kustodiya ng kapulisan.
Umalis si Guo ng bansa noong Hulyo 18 at nadakip sa Jakarta, Indonesia noong Setyembre 4.
Iniimbestigahan ang dating alkalde dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa sinalakay na Pogo firm sa bayan ng Bamban. RNT/SA