MANILA, Philippines- Walang indikasyon na umalis ng bansa si dating presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng kautusan ng House of Representatives na hulihin siya, base sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules.
“Based as ating coordination sa [Bureau of Immigration], wala pa naman pong indication na nakalabas po siya,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing.
Nagtungo na ang PNP tracker teams sa registered offices at mga address ng abogado subalit hindi siya nadatnan sa mga lokasyong ito.
Dahil dito, sinabi ni Fajardo na binabantayan ng mga pulis ang posibleng “ingress points” na maaaring magamit ni Roque sakaling tangkain niyang tumakas mula sa mga awtoridad.
“Definitely, yung Customs is on alert. I think meron na siyang immigration lookout bulletin order. So yung mga ports natin tinitignan natin in coordination again sa mga relevant government agencies,” dagdag ng opisyal.
Hinimok naman ni Fajardo si Roque, nagsilbing tagapagsalita sa ilalim ng Duterte administration, na respetuhin ang proseso dahil “no one is above the law.”
Na-cite in contempt si Roque at ipinag-utos na iditene ng apat na House of Representatives committees o “QuadComms” noong Setyembre 13 matapos tumangging magsumite ng mga dokumento na magbibigay-katwiran sa kanyang kayamanan.
Nitong Lunes, inakusahan ni Roque ang Kamara ng “power tripping” kasunod ng contempt at arrest orders na ipinalabas laban sa kanya dahil sa umano’y kaugnayan sa illegal operations ng Philippine offshore gaming operators (POGO).
“Hindi ako pugante dahil ako po ay lumabag sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang, wala po akong pakialam. Dahil ang tingin ko naman kung ay na-cite in contempt of Congress, ang Kongreso naman po ay cited in contempt of the people of the Philippines,” giit ni Roque sa isang live video na naka-post sa Facebook.
“Hindi po tama yung ginagawa nila, pasigaw-sigaw, kapag ayaw ng sagot contempt kaagad. Nagpa-power tripping na po sila,” patuloy niya. RNT/SA