MANILA, Philippines- Maayos ang kondisyon ni Pastor Apollo Quiboloy, na umapela ng hospital arrest, base sa arawang pagsusuri ng Philippine National Police (PNP) General Hospital, ayon sa PNP nitong Miyerkules.
“So far naman sa everyday nilang assessment kay Apollo Quiboloy, he is okay according to the [PNP General Hospital],” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang press briefing.
Sumailalim si Quiboloy sa medical examinations nitong weekend.
“According to the servicing lawyer ng [PNP Headquarters Support Service], as soon as they will receive the official copy of the medical assessment, it will be immediately forwarded sa regional trial court of Pasig po,” paliwanag ni Fajardo.
Kasalukuyang nakaditene si Quiboloy sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Inihirit ni Quiboloy sa arraignment sa Pasig court na ilipat siya sa Veterans Memorial Medical Center sa Davao City.
Bilang tugon sa mosyon, inatasan ng hukom ang PNP na pangasiwaan ang medical checkup ni Quiboloy sa government doctors.
Nagpalabas ng arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act maging sa qualified human trafficking.
Naghain si Quiboloy at iba pa niyang co-accused ng not guilty plea sa mga kaso.
Kinasuhan din siya ng federal grand jury sa US District Court for the Central District of California para sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.
Makailang-ulit namang itinanggi ni Quiboloy ang mga alegasyon laban sa kanya. RNT/SA