MANILA, Philippines- Naglabas ng modified guidelines ang Commission on Elections (Comelec) sa paglikha at clustering ng mga presinto para sa pagpapakilala ng Online Voting and Counting System (OVCS) sa botohan sa ibang bansa sa Mayo 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa Comelec en banc Resolution No. 10986 na may petsang April 24, 2024, itinakda ng poll body ang mga alituntunin para sa clustering ng foreign service posts (Posts) gamit ang OVCS at ang Automated Counting Machines (ACMs) para sa personal at postal voting.
“There are currently 93 Posts for overseas voting and registration, wherein 76 Posts will adopt the OVCS and 17 Posts will adopt ACM voting, whether Postal or Personal,” ayon sa Comelec.
“The 93 Posts covering different countries/areas under their jurisdictions, and with their respective modes of voting, will warrant the clustering of precincts overseas to ensure the successful, credible, peaceful, accessible, and safe conduct of the 2025 NLE,” dagdag pa ng komisyon.
Sa mga botante na gagamit ng OVCS, binigyang-diin ng Comelec na mayroon lamang isang precinct para sa mga bansa na mayroon lamang isang Post, anuman ang bilang ng rehistradong overseas voters.
Para sa mga Post na may maraming hurisdiksyon, isang presinto ang itatatag sa bawat bansa sa ilalim ng nasabing Post, anuman ang bilang ng mga botante.
Para sa mga bansang may maraming Post, bawat Post ay magkakaroon ng isang presinto anuman ang bilang ng mga botanteng Pilipino.
Sa kabilang banda, ipinaliwanag ng Comelec na ang mga gumagamit ng ÀCMs (Postal or Personal Voting) ay magkakaroon ng clustered precincts na hindi hihigit sa 2,000 botante bawat bansa o hurisdiksyon bawat Post.
Idinagdag nito na ang bawat Post ay dapat direktang magpadala ng mga resulta ng halalan nito sa National Board of Canvassers (NBOC).
Binigyan ng Comelec ng hanggang Disyembre 16 ang Office for Overseas Voting (OFOV) para isumite ang pinal na Project of Precincts (POPs) sa Commission en banc.
Ang halalan para sa mga botante sa ibang bansa ay sa kasado sa Abril 12, 2025, isang buwan bago ang Mayo 12 NLE. Jocelyn Tabangcura-Domenden