MANILA, Philippines- Nakatakdang maglabas ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ng alituntunin na magre-regulate sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at magbabawal sa deepflakes sa 2025 national at local elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang patakaran sa paggamit ng bagong teknolohiya ay base sa resulta ng talakayan sa stakeholders forum at consultation dialogue na isinagawa ng Comelec sa University of the Philippines noong Hulyo.
“Isa lang naman ang purpose ng Comelec, hindi yung gipitin ‘yung mayayamang kandidato o kaya naman paboran ang mahihirap na kandidato,” sabi ni Garcia.
Nauna nang nagbabala ang ilang eksperto kabilang ang award-winning data scientist at technologist na si Dominic ‘Doc’ Ligot, na ang AI at deepflakes ay gaganap ng mas malaking papel sa panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections.
Sa inaasahang pagkalat ng fake news, misinformation at disinformation na kaugnay nito, iminungkahi sa Comelec en banc na pagbawalan ang mga kandidato sa paggamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang mga electoral campaign noong Hunyo.
Noong Hulyo, inihayag ng Comelec na gagawa ito ng mga alituntunin para sa paggamit ng AI sa May 2025 elections.
Isang task force na inatasan na protektahan ang darating na halalan laban sa maling impormasyon at disinformation na hinimok ng AI sa pamamagitan ng pagsubaybay, at pag-regulate ng mga nalathalang content sa quad-media gaya ng TV, radyo, print, at online ay inilunsad noong nakaraang buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden