NEGROS OCCIDENTAL- Binalaan ni La Carlota City Mayor Rex Jalandoon ang publiko hinggil sa sulfur mula sa ashfall sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon noong Martes, Abril 8, 2025 na mapanganib ang dulot nito sa kalusugan.
Ito’y kasunod ng pagkalat sa online ang video mula sa isang residente ng Barangay Ara-al, La Carlota City, ang paglalagay ng sulfur sa kanyang balat mula sa ashfall.
Nakatanggap ng iba’t ibang reaksyon ang naturang video mula sa mahigit 5,000 shares at 10,000 reactions na ang iba pinagkatuwaan ito habang nagpahayag naman ng pag-alala ang karamihan.
Sinabi ng alkalde, nang makita niya ang video ay mariing pinayuhan ang publiko na huwag itong gayahin.
“I don’t know his reason, maybe for likes, views, or whatsoever, but it is not advisable,” dagdag pa nito.
Nag-aalala si Jalandoon, na isang doktor, sa hindi magandang resulta sa paglalagay ng sulfur mula ashfall dahil hindi tiyak ang konsentrasyon nito.
Dagdag pa ng alkalde na magkaiba ang sulfur soap na ibinebenta sa palengke sa sulfur mula sa volcanic ash na sumisira ng halaman at bubong.
Samantala, sa hiwalay na video, sinabi ng lalaki na pinapakain niya ang kanyang mga hayop nang pumutok ang bulkan. Nagkataon na wala siyang damit pang-itaas noong mga oras na iyon at ang abo ay tumama sa kanyang katawan.
Sa ngayon ay tinatayang nasa 1,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center at nadagdagan pa ito ng pamilya ang naunang inilikas kasunod ng pinakahuling pagsabog.
Naghihintay naman ng tulong si Jalandoon mula national government para maayos ang mga bahay na tinamaan at nasira ang kanilang mga bubong noong Disyembre 9, 2024.
Humiling si Jalandoon ng tulong mula sa iba pang local government units at pribadong sektor para tumulong sa pagrarasyon ng tubig gayundin sa paglilinis ng mga kalsada mula sa ashfall. Mary Anne Sapico