MANILA, Philippines- Suspendido na ang tourism activities sa mga lugar na malapit sa Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.
Layon nito na tiyakin ang kaligtasan ng mga residente at turista.
Sa isang abiso, sinabi ng DOT na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na local government units (LGUs) para i-“prioritize” ang kaligtasan at kapakanan ng mga indibidwal na naapektuhan ng “explosive eruption” ng Bulkang Kanlaon sa pamamagitan ng monitoring at kagyat na pagtugon.
“All tourism activities near Mt. Kanlaon, including treks and visits to nearby destinations such as La Carlota City, Bago City, La Castellana, and other surrounding areas in Negros Occidental, have been temporarily suspended,” ang nakasaad sa abiso.
Ang ibang lugar na nakaranas ng ashfall ay bahagi ng Guimaras, Iloilo, and Antique.
“We advise tourists to postpone any travel plans to these locations and to adhere to the safety measures established by local authorities,” base sa DOT.
Dahil dito, hinikayat ng DOT ang publiko na manatiling bigilante at sumunod lamang sa mga official advisory sa gitna ng pagiging maligalig ng Bulkan.
Samantala, iniulat naman ng DOT na ang lahat ng tourist accommodations at mga imprastraktura sa mga apektadong lugar ay nananatiling “structurally sound.”
Sa ngayon, walang naiulat na na-stranded na turista habang nananatili naman sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon. Kris Jose