BATANGAS CITY — Kailangang suportahan ang MSMEs (micro, small and medium enterprises) at isulong pa ang turismo sa Batangas at ibang lalawigan sa bansa.
Ito ang paraang naiisip ng mga pambatong senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas upang matulungan ang Batangas at iba pang lalawigan sa bansa para paigtingin ang paggulong ng ekonomiya at umangat ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan nito.
Sa ginanap na press conference ng ‘Alyansa’ sa Batangas nitong Sábado, Mayo 3, ipinagdiinan ni former Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kahalahagan ng MSMEs sa kaunlaran ng isang lalawigan.
“Itulak natin iyung mga kapakan ng mga MSMEs. Ito iyung medyo neglected na sector samantalang sila iyung may pinakamalaking kontribusyon para sa ekonomiya ng bansa, 99.5 percent, at least, ng indsutriya natin MSMEs),” paliwanag ni Lacson.
“Tapos ang kanilang nakukuha sa labor force, mahigit 6 percent. Iyung available labor force natin, iyung mga abled-body, naka-employ iyan, iyung 66 percent plus, naka-employ iyan sa MSMEs. So bakit hindi natin masyado natutulungan ang mga MSMEs nang sa ganoon eto iyung magiging pinaka-engine ng, hindi lang sa Batangas, kundi sa buong Pilipinas. Isa iyun sa naisip namin na partikular o specific na programa para mapaunlad iyung turismo, manufacturing at iba pang forms of industries para sa ikauunlad ng ekonomiya ng Batangas at saka ng ibang mga lalawigan sa buong bansa.”
Ipinanukala rin ni Lacson na isusulong niya na maisabatas ang pagbibigay ng isang porsiyentong insentibo mula sa 12 percent VAT ng goods at services ng mga lalawigan upang magamit sa mga proyektong pangkabuhayan at development.
“Ang Nominal Gross Domestic Product ng Batangas, specify natin ang Batangas, noong 2023 ay P645 billion. Mayroon akong pinanukala, sumasang-ayon naman si Secretary Ralph Recto kasi departamento niya iyung medyo tatamaan, kung P645 billion ang Nominal Gross Product, ibig sabihin iyun ang nire-render na goods and services, kapag goods and services ito ay subject to VAT na 12 percent, ang naiko-contribute ng Batangas sa national government, nasa P77 billion a year at least in 2023,” paliwanag ni Lacson.
“But since Batangas is really moving up pagdating sa development, tataas pa iyan. So ang suggestion ko is pwedeng i-legislate na i-rebate o kaya magbigay ng share, iyung 12 percent na mako-contribute ng isang lalawigan tulad ng Batangas, bigyan ng one percent from the 12 percent. Easily babalik sa Batangas iyung P770 million at kung umangat pa pwedeng pumalo ng P1 billion. Pero pwedeng gamitin lang iyun sa development projects at livelihood, infra at saka livelihood,” giit pa ni Lacson.
Panukala naman ni Senator Francis “Tol” Tolentino, itulak ang pagkakaroon ng railway system na kumokonekta sa Batangas Port upang mapabilis ang takbo ng negosyo sa lalawigan.
“We need to push forward previous plans to have a railway coming from Batangas port, which is an international port connecting it to Metro Manila. Napakalaki po ng involvement ng logistics dito, iyung manufacturing ng Batangas ay hindi na po siguro mababalewala. You have to improve the logistics chain by having a faster boat. Kasi hindi pwedeng sa SLEX lang,” sey ni Tolentino.
“Ngayon po sa paliparan, mayroon po tayong maliit na paliparan sa Lipa. Mayroong kasalukuyang ginagawa sa Santo Tomas. Merong ginagawa ngayong ala-F1 racing complex sa Padre Garcia. Lahat po ito nagpapakita na ang turismo natin dito sa Batangas ay pausbong,” dagdag nito.
Dumalo rin sa naturang press conference sina former Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, dating Mandaluyong City Mayor at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Makati City Mayor Abby Binay ilang araw bago ang midterm polls sa Mayo 12. RNT