Home NATIONWIDE Rep. Duterte tikom sa reklamo laban sa kanya sa DOJ

Rep. Duterte tikom sa reklamo laban sa kanya sa DOJ

MANILA, Philippines- “Wala pa kaming kopya ng reklamo at bineberipika na ang lumabas na video,” ayon kay Davao City Rep. Paolo Duterte.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Duterte na hindi niya alam ang physical injuries and grave threats complaint na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice.

“Sa mga kapatid kong Davaoeño, ngayon may nakita na naman kayong video. Matagal-tagal na itong nangyari. Ah sige lang, nasa sa inyo pa rin ang desisyon kung sino ang inyong ibobotong congressman sa unang distrito. ‘Di ako makikialam,” pahayag ni Duterte.

Ani Duterte, ang kanyang legal team ay bineberipika na ang lumabas na video na nakita siyang nananakit ng isang lalaki.

“Sinabihan ako ng abogado na until now inu-authenticate pa nila kung saan galing ‘yung video. So parang nauna ‘yung file niyan, ewan kung sa CIDG ba naunang mag-file sa CIDG ang testimony, ang affidavit sa social media instead sa fiscal. So ‘di ako makagawa ng statement niyan kasi ‘di kami nakatanggap ng dokumento na may nag-file sa akin ng kaso,” paliwanag pa nito.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa The Netherlands.

Si Duterte ay kinasuhan ng paglabag sa Article 265 at Article 282 ng Revised Penal Code, ang pananakit ay naganap umano noong Pebrero 23 sa isang bar sa Davao City.

Batay sa reklamo ng isang negosyante, pinagbantaan siya ng kutsilyo at pinagsusuntok ni Duterte bukod pa sa headbutt na paulit ulit na natanggap niya mula sa mambabatas.

Sa complaint affidavit ng biktima, sinabi nitong hindi siya nagpacheck-up o nagsampa ng reklamo noong Pebrero dahil sa takot kay Duterte. Gail Mendoza