Home NATIONWIDE ‘Alyansa’ hindi nauga sa pag-atras ni Imee

‘Alyansa’ hindi nauga sa pag-atras ni Imee

Alyansa campaign manager Navotas Rep. Toby Tiangco: “We respect her (Sen. Imee Marcos) decision and wish her luck.”

MANILA, Philippines – Hindi natinag ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa patuloy nitong paglakas, kahit pa umurong si Sen. Imee Marcos sa senatorial lineup ng koalisyon.

Ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa, iginagalang nila ang naging desisyon ng senadora at kanilang hinahangad ang tagumpay nito, pero aniya’y hindi nito naapektuhan ang direksyon ng kanilang kampanya.

“Yes, Senator Imee has decided na hindi na po siya sasama sa Alyansa, and we respect her decision and wish her luck. Kami naman, tuloy-tuloy lang po ’yung kampanya namin,” ani Tiangco sa isang press conference bago ang malaking campaign rally ng Alyansa sa Rizal, isa sa mga probinsiya na maraming botante.

Tiniyak niya na nananatiling matibay at malinaw ang mensahe ng Alyansa tungkol sa kakayahan, pagpapatuloy ng mga programa, at pangakong iaangat ang buhay ng bawat Pilipino.

Binigyang-diin din ni Tiangco na hindi basta-basta ang kanilang lineup dahil pinili ang mga ito base sa kanilang track record at napatunayang kakayahan sa paglilingkod.

“‘Yung 11 kandidato namin ay talagang kung pagbabasehan ang track record at ‘yung kaya pang gawin, ay talagang sila po ang makakatulong para suportahan ‘yung remaining three years ni President Bongbong Marcos,” aniya.

“Ang gusto namin is mapabilis ang development dito sa ating bansa at mapabilis ‘yung pag-angat ng buhay ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ang Alyansa ay binubuo ng mga beteranong lingkod-bayan mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, na nagsama-sama at nagkakaisa para mga layuning palaguin ang ekonomiya, lumikha ng trabaho, isulong ang digitalization, palakasin ang kapayapaan at kaayusan, at tiyakin ang proteksiyong panglipunan.

Kabilang sa 11 nilang senatorial slate sina dating Interior Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon Bong Revilla, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Francis “Tol” Tolentino, ACT-CIS Rep at dating Social Welfare Sec. Erwin Tulfo, at Deputy Speaker Camille Villar. RNT