Home NATIONWIDE Jet na ginamit sa pagsuko kay Duterte sa The Hague, ginagamit ni...

Jet na ginamit sa pagsuko kay Duterte sa The Hague, ginagamit ni PBBM – Imee

MANILA, Philippines – Personal na ginagamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Gulfstream G550 jet na may tail number RP-C5219 na naghatid kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands sa kasong crimes against humanity.

Ibinulgar ito ni Senador Imee Marcos, kapatid ng Pangulo sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on foreign relations na nag-iimbestiga sa pagdakip kay Duterte na diretsong inihatid sa International Criminal Court (ICC) gamit ang naturang eroplano.

“Madalas gamitin ang eroplano nito ng ating Pangulo at pinagtatakahan namin kasi napaka-istrikto ng security para sa Pangulo, hindi po ba? At alam natin na mayroon din namang presidential plane ang Air Force kaya ito nga nagiging himala kung bakit iba ang ginagamit at bakit nagamit ulit pagkatapos dinala si [dating] Presidente Duterte, ginamit ulit papunta sa amin sa Laoag?” ayon kay Imee.

Uminit at lumawak ang hidwaan ng magkapatid bago simulan ni Imee ang imbestigasyon sa pagdakip kay Duterte kaya inilaglag na siya kasama si Las Pinas Rep. Camille Villar sa listahan ng Alyansa, ang senatorial slate ng administrasyon.

Sa pagdinig, ibinahagi ni Imee ang ilang news clippings na nagsasabing palaging ginagamit ng Pangulo ang naturang eroplano sa mga opisyal na paglalakbay nito, kabilang ang pagtungo sa Laoag City noong Marso 28, 2025 at Marso 30, 2025 nang pabalik sa Maynihla.

“Hindi ito ‘yung kauna-unahang pagkakataon na ginamit ng Pangulo Bongbong itong eroplanong ‘to at hinihiniram nga ito ng… ‘Yung iba’t ibang paggamit nito—nandyan din sa Davao nag-landing, nag-landing din sa Tawi-Tawi at ang nagbigay ng picture [ng] tactical operations ng Sulu, at andito rin ‘yung Puerto Princesa gamit din po sa Palawan,” ayon kay Imee.

Base sa datos mula flightradar24.com, isang private jet ang lumipad patungong Cauayan, Isabela noong March 6 na parehong araw nang sinuri ni Marcos ang bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge.

Nabigo si Imee na malaman ang may-ari ng private jet sa ginanap na pagdinig dahil hindi dumalo ang kinatawan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
“Sino nga ba ang may-ari nitong aircraft na ito at anong kompanya ‘to na nagcha-charter or nagle-lease out at sino ang nag-charter nung March 11? Kasi ang sabi ni Secretary Remulla si Jonvic, siya nagsabi na ‘yung private jet was bade for by the Office of the President,” aniya.

“Nasaan ang bid documents? Alam naman natin…napakahaba kahit ano pang proseso. In my experience, kahit pinakamabilis, it takes several days to complete. Eh biglang sinasabi, they only knew of the warrant of arrest at 3 a.m. of March 11,” giit pa niya. Ernie Reyes