Home NATIONWIDE ‘Alyansa’ nababahala sa ulat na panghihimasok ng China sa 2025 midterm election

‘Alyansa’ nababahala sa ulat na panghihimasok ng China sa 2025 midterm election

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkaalarma si Alyansa para sa Bagong Pilipinas campaign manager Toby Tiangco sa naiulat na panghihimasok ng mga dayuhan sa nalalapit na May 2025 midterm election.

Ayon kay Tiangco, seryosong banta ito na dapat na agad imbestigahan ng mga awtoridad.

“The right of every Filipino to freely choose their leaders—without manipulation, pressure, or foreign influence—is non-negotiable. Any attempt to interfere in that process is a direct violation of our national integrity and must be condemned in the strongest terms,” pahayag ni Tiangco.

“This is not just a political issue. It is a matter of national security. We urge the proper authorities to investigate these reports with urgency, hold accountable those responsible, and protect the sanctity of our elections,” dagdag pa nito.

Giit ni Tiangco, ang mga Filipino at walang iba pa ang dapat na mamili ng kanilang mga lider.

Una nang inihayag ng National Security Council(NSC) sa naganap na Senate Committee hearing na may indikasyon na ang China ay nanghihimasok sa nalalapit na eleksyon.

Sa pagdinig ng Senado ukol sa isyu ng submersible drones at espionage activities sa Pilipinas, tinanong ni Senate Majority Leader Francis Tolentino si NSC Assistant Director General Jonathan Malaya kung may sinusuportahan na mga kandidato ang China na sinagot naman ng huli na may ganitong mga impormasyon.

Sa panig ni National Intelligence Coordination Agency Deputy Director General Ace Acedillo, sinabi nito na may ginagawa ang China para
Impluwensyahan ang eleksyon.

Ipinaliwanag ni Malaya na may mga “narratives” mula Beijing ang ipinalalabas sa social media, ang ganitong mga negatibong isyu ay mas pinalalakas naman ng “third party proxies”.

Sinabi ni Malaya na ang third party proxies ay nakabase sa Pilipinas at kanila na itong natukoy.

Ipinaliwanag ni Malaya na tukoy na din ng NSC ang mga kandidato na sinusuportahan ng China at malaki ang posibilidad na pinopondohan din ang mga ito.

Sa ngayon ay nakikipagkoordina na ang NSC sa National Bureau of Investigation(NBI) para sa isang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

“Meron itong local troll farm na ginagamit ng People’s Republic of China to influence political discourse in the Philippines. I am very sure na may criminal implications. So it’s NBI who should take a look at these things,” pagtatapos pa ni Malaya. Gail Mendoza