MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang implementasyon ng pagbebenta ng P20 kada kilong bigas na sinimulan sa Visayas, na naging pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay “too little, too late” na sa ngayon.
Sa ambush interview sa Tondo, Manila nitong Huwebes, Abril 24, nagkomento si Duterte sa pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na nagsabing dapat ay suportahan ng mga tunay na lider ng pamahalaan ang Pangulo sa halip na batikusin.
“Hindi ‘yan pagiging ano eh, na mapag-puna. Nagsasabi ako ng totoo. It’s a campaign promise iyong 20 pesos per kilo na rice and ngayon lang in-implement na panahon ng eleksyon,” ayon kay Duterte.
“Sabi ko nga too little, too late to comply with the campaign promise ngayon at para lang din sa isa pang darating na eleksyon sa lugar sa Visayas kung saan mahina ang numero ng mga kandidato ni BBM,” dagdag pa niya.
Matatandaan na nitong Miyerkules ay inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ibebenta na ang P20 kada kilong bigas sa Visayas at inaasahang mabibili rin sa buong bansa sa mga susunod na panahon.
Siniguro ni Laurel na ang Department of Agriculture (DA) ay may mga stock ng bigas na maibebenta sa P20 kada kilo.
Samantala, tinawag ni Duterte ang planong ito bilang isang election promise na magpapalakas ng tsansa ng mga senatorial candidate ng administrasyon na manalo sa halalan.
Dagdag pa, sinusubukan na naman umanong linlangin ng pamahalaan ang mga tao sa pangako ng P20 kada kilong bigas. RNT/JGC