MANILA, Philippines – Nasawi ang isang ama habang sugatan ang anak nitong babae sa nangyaring pamamaril sa loob ng computer shop sa Barangay Jaclupan, Talisay City, Cebu, nitong Biyernes ng gabi, Abril 24.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ritchard Silva De Lima, 50, residente ng Purok Kawayan, Sitio Tabok Sapa, Barangay Jaclupan.
Ayon sa initial findings ng Talisay Police Station, nasa loob ng computer shop ang mag-ama nang mangyari ang insidente.
Naglalaro ng computer si De Lima habang nakatayo sa malapit ang anak nito at nanonood nang lapitan umano ng isang lalaki ang biktima saka namaril.
Tinamaan sa ulo si De Lima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Tumakas naman ang suspek matapos ang pag-atake.
Tinamaan din sa pamamaril ang 14-anyos nitong anak na agad isinugod sa ospital para gamutin.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril at ang sangkot dito. RNT/JGC