MANILA, Philippines – MASAYANG ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nagawa ng kanyang administrasyon para mapalitan at mapababa ang sentensiya ni Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nasa death row ng Indonesia dahil sa drug trafficking.
Si Veloso ay nahatulan ng kamatayan sa bansang Indonesia matapos na mahulihan ng 2.6 kilograms ng heroin sa Indonesia noong 2010.
Sa isang panayam matapos ang GROUNDBREAKING CEREMONY ng MERALCO TERRA SOLAR PROJECT, idinaos sa MTerra Solar Groundbreaking Site (GBS), Barangay Callos, Munisipalidad ng Peñaranda, lalawigan ng Nueva Ecija, araw ng Huwebes, sinabi ng Pangulo na hindi lamang siya kundi ang lahat ng mga nagdaang Pangulo ng bansa, sa loob ng 10 taon ay tinrabaho ang kaso ni Veloso.
“Pero ang nagawa natin napa-commute natin ‘yung sentensya niya from death sentence to life imprisonment. Tapos ang last ay napauwi na natin. At we will have to decide on what to do next,” ayon sa Pangulo.
Sa kabilang dako, sinabi pa rin ng Pangulo na matagal na ang ginagawang pag-uusap ng gobyerno ng Indonesia at Pilipinas sa bagay na ito na sa kalaunan aniya ay napapayag ang gobyerno ng Indonesia na dito na lamang sa Pilipinas bunuin ni Veloso ang kanyang sentensiya.
“Naku matagal na trabaho yan. That took a long time. Well, since I came into office, what we were trying to, what we were working on, was tanggalin na sya sa death row. Unang una. To commute her sentence to life. Nung nangyari yun. When we were able to achieve that, we continued to work with them, it was still with the Widodo government at that time na kung papaano, how they will they do it na pauuwiin,” ang inihayag ng Pangulo.
“Mabuti na lang na that our relations with Indonesia, our relations with then President Widodo and all of his people, together now with our relations with the new President, President Prabowo. Dahil maganda naman ang ating relation, nakahanap sila, gumawa sila ng paraan, this is the first time that they did this. Gumawa sila ng paraan, para, sabi nila wala naman silang interes na ikulong, wala naman silang interes na iexecute si Mary Jane Veloso. Ngunit, kaya naman, hanap hanap tayo ng paraan, and they did it for us,” aniya pa rin.
Kaya malaki aniya dapat ang pasasalamat ng Pilipinas sa Indonesia, malaki dapat ang pasasalamat sa nakaraan, sa huling Pangulo at kasalukuyang Pangulo ng Indonesia na sina dating Indonesian President Joko Widodo at ang kasalukuyang Pangulo ng Indonesia na si President Prabowo Subianto dahil kung hindi aniya sa mga pagsang-ayon ng mga ito ay hindi magagawang maiuuwi si Veloso sa bansa at dito bunuin ang kanyang sentensiya.
Samantala, “We will see. We will see” naman ang sagot ng Pangulo sa tanong kung mapagkakalooban ba ng pamahalaan ng clemency si Veloso.
“Hindi pa talaga maliwanag kung ano ba talaga ang how, this is the first time that this has happened. So, that everything is on the table,” ayon kay Pangulong Marcos. Kris Jose