Home METRO Amerikano, Koreano, laglag sa BI sa magkahiwalay na operasyon sa Davao

Amerikano, Koreano, laglag sa BI sa magkahiwalay na operasyon sa Davao

161
0

MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhang pugante sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod ng Davao noong Pebrero 19.

Sa ulat kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ni Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy na unang nadakip ang 41-anyos na Amerikanong si David Michael Blunk sa kahabaan ng JP Laurel Street, Bajada, nitong Huwebes ng hapon.

Nakipag-ugnayan ang FSU sa mga awtoridad ng Estados Unidos at sa National Bureau of Investigation–South Eastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO 11) para sa pag-aresto kay Blunk.

Nabatid na may nakabinbing warrant of arrest laban kay Blunk na inilabas pa noong 2014 ng Superior Court of California, County of Orange dahil sa paglabag sa kanyang probation kaugnay ng naunang hatol sa tatlong bilang ng felony grand theft sa ilalim ng Section 487(a) ng California Penal Code.

Ayon sa ulat ng US authorities, dekada nang umiiwas sa batas ang naturang Amerikano at kanselado na rin ang kanyang pasaporte ng US Department of State.

Batay sa tala ng BI, huli siyang pumasok sa Pilipinas noong 2023 kasama ang kanyang asawang Pilipina. Napag-alamang may Blacklist Order na laban sa kanya na may petsang Enero 29, 2026 at Watchlist Order noong Enero 13, 2026 dahil isa siyang undesirable alien at fugitive from justice.

Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Barangay Magtuod, Davao City, arestado rin ang 48-anyos na Koreanong si Ahn Min Hyuk.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IG), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng lokal na himpilan ng pulisya.

Si Ahn ay may Interpol Red Notice matapos maglabas ng warrant of arrest ang Incheon District Court sa Korea dahil sa kasong special robbery sa ilalim ng Article 334(2) ng Criminal Act of Korea.

Sa ulat, nagpanggap umano si Ahn at tatlo niyang kasabwat bilang mga pulis, nagpakita ng pekeng police ID at sapilitang tinangay ang 12.4 kilo ng gold bullion na nagkakahalaga ng humigit-kumulang USD 537,352. Matapos ang insidente, tumakas siya patungong Japan bago tuluyang nakapasok sa Pilipinas.

Huli umanong dumating sa bansa si Ahn noong 2019 at wala itong rekord ng visa extension. Itinuturing na rin siyang overstaying at undocumented alien dahil sa kabiguang magpakita ng balidong pasaporte.

Sa ngayon, nakapiit ang dalawang dayuhan sa BI Warden Facility habang hinaharap ang mga kasong deportation laban sa kanila.
Pinuri naman ni Viado ang mga operatiba at iginiit na hindi magiging kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here