MANILA, Philippines – Magdudulot ng pag-ulan ang Shear Line sa Visayas at silangang bahagi ng Katimugang Luzon, habang patuloy na mararanasan ang epekto ng Amihan sa nalalabing bahagi ng Luzon ngayong Huwebes. Magdadala rin ang Easterlies ng pag-ulan sa Caraga at Davao region, ayon sa PAGASA.
Dahil sa Shear Line, asahan ang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas, Laguna, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Aklan, at Capiz, na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang Easterlies naman ay magdudulot ng katulad na lagay ng panahon sa Caraga, Davao de Oro, at Davao Oriental. Samantala, ang Amihan ay magdadala ng pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora, na maaari ring magdulot ng flash floods o landslides.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan, ngunit hindi ito magdudulot ng malaking epekto. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog.
Malakas hanggang bugso ng hanging gale ang mararanasan sa Hilagang Luzon at silangang bahagi ng Gitnang Luzon, Katimugang Luzon, at Visayas, kaya’t magiging maalon hanggang napakaalon ang mga baybayin. Sa Silangang Mindanao at iba pang bahagi ng Luzon, katamtaman hanggang malakas na hangin ang iiral na may katamtaman hanggang maalon na karagatan.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang hanggang katamtamang lakas ng hangin na may banayad hanggang katamtamang alon. RNT