MANILA, Philippines — Inaasahang mababawasan ng northeast monsoon o amihan ang epekto ng mga tuyong kondisyon na posibleng maranasan sa ilang bahagi ng bansa pagsapit ng huling bahagi ng Nobyembre, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, nasa 47 lugar ang nasa paunang talaan ng ahensya na maaaring makaranas ng dry condition, na inilalarawan bilang dalawang magkasunod na buwang may mababang antas ng pag-ulan o 20 hanggang 60 porsiyentong pagbawas sa normal na ulan.
“That’s just the initial list, but more areas are likely to be added by December. Drought condition is also possible,” ani Servando sa panayam noong Miyerkules.
Gayunman, sinabi niya na dahil sa amihan at mas malamig na panahon sa Nobyembre at Disyembre, hindi gaanong mararamdaman ang epekto ng kakulangan sa ulan.
“It will be drier, but not so humid because of the amihan,” dagdag niya.
Batay sa paunang pagtataya ng PAGASA, ang Camarines Sur pa lamang ang inaasahang makakaranas ng dry spell o tatlong magkasunod na buwang may mababang pag-ulan. Nilinaw naman ni Servando na maaari pang magbago ang forecast sa mga susunod na buwan.
Pinayuhan niya ang publiko na maghanda sa mas mainit at maalinsangang panahon mula Pebrero hanggang Abril ng susunod na taon at magsagawa ng wastong pamamahala sa tubig kahit sa antas ng tahanan.
Samantala, nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha mula Hulyo hanggang Setyembre dahil sa inaasahang pagdami ng ulan dulot ng habagat.
Hinikayat din ni Servando ang publiko na regular na subaybayan ang mga abiso ng PAGASA sa website, opisyal na social media platforms, at sa PANAHON mobile application. Santi Celario