NAPAPANAHON ang panawagan o direktiba ng Office of Civil Defense na magsagawa ang lahat ng mga pagsasanay laban sa lindol.
Nararapat lamang na magkaroon ng mga pagsasanay upang maligtas ang lahat sa mga nakamamatay, nakasusugat, nakasisira ng ari-arian at iba pang mga nakatatakot na bunga ng mga lindol, lalo na ang malalakas.
Kailanman, hindi natin malilimutan ang malalakas na lindol na lumikha ng mga kasiraan sa buhay at ari-arian gaya ng magnitude 7.8 sa malaking bahagi ng Mindanao at magnitude 7.8 sa Baguio City na nagmula sa Rizal, Nueva Ecija na yumanig din sa malaking bahaging Luzon, kasama ang Central Luzon at Metro Manila noong 1990.
Hindi rin natin malilimutan ang grabeng lindol na magnitude 7.2 sa Bohol noong 2013 at magnitude 6.9 na tumama sa Cebu nitong nakaraang taon.
SA MGA ESKWELA
Isa sa mga dapat alalahanin ang mga eskwela na sa taong ito lamang ay may mahigit 27 milyong estudyante, at hindi pa kasama ang mga guro at staff na libo-libo rin ang bilang.
Paano kung mangyari ang lindol sa mga oras na nasa iskul ang nakararaming estudyante, gaya ng nangyari sa unang araw ng pasok nitong nakaraang lindol sa Mindanao?
Milyones ‘yan, mga Bro., na nasa panganib.
Sa pamamasyal natin sa ilang eskwelang elementarya sa Metro Manila, may mga palatandaan naman na may kahandaan ang mga guro at estudyante.
Naririyan ang mga iskul na may mga nakabiting helmet sa labas ng mga pasilyo ng mga eskwela subalit hindi katumbas ng bilang ng mga estudyante at guro.
Inaasahan ding matitibay ang mga matatayog nang eskwela gaya ng mga umaabot sa 10 storeys hanggang 22 storeys gaya ng Blessed Pier Giorgio Frassati, O.P. Building na pag-aari ng University of Sto. Tomas sa Maynila.
Baghama’t may mga pagsasanay talaga, higit na nakararami ang mga menor-de-edad na malamang na matataranta at matatakot at dito magkakaroon ng tiyak na malaking pinsala.
DROP, COVER AND HOLD ON
Kapag bumigay ang mga eskwelang matataas, paano ang paglabas ng mga estudyante ng guro nang ligtas, halimbawa, mula sa 3 storeys hanggang 22 storeys?
Paano kung may nagigiba na, may sunog at iba pa?
Sa ibang salita, hindi sapat ang pagsasanay na Drop, Cover and Hold on na may mga detalye.
Karaniwang naoobserba sa milyon-milyong menor-de-edad mula kinder hanggang elementarya at high school na naghahari ang takot, nerbiyos at iyakan at basta na lang gustong tumakbo kahit saan at nakalilimutan ang Drop, Cover, Hold on.
‘Yung mabilis na pagkilos, para sa kaligtasan nasaan?
At sa matataas na gusali, na karaniwang namamatayan ng kuryente at pumapatay sa mga elevator at escalator, paano mabilis na makakilos ang lahat tungo sa kaligtasan?
MGA RESPONDER, NASAAN?
Gaano naman kaya kahanda ang mga responder, kasama ang mga pulis, militar, bumbero, taong Metro Manila Development Authority, lokal na Disaster Risk Reduction Management Offices, taga-DOH at LGU health personnel?
Ang mga sasakyan, kasama ang mga ambulansya at heavy equipment, evacuation centers, nakahanda ba lagi?
Ang mga tao nila, gaano rin kaya sila kahanda?
Huwag iasa lahat sa dasal at papetik-petik na paghahanda.






