Home NATIONWIDE Amyenda sa UHC Act suportado ni Bong Go

Amyenda sa UHC Act suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines – Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang mungkahing pag-amyenda sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act, na nakatuong baguhin ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) premium contributions upang maibsan ang hirap sa pananalapi ng mga Pilipino.

Ipinahayag ni Go ang suporta kay Sen. JV Ejercito, vice chair ng Senate health committee at principal sponsor ng Universal Healthcare Act noong 17th Congress, na siya ring nag-sponsor ng panukalang pag-amyenda sa UHC Law sa plenary session noong Martes, Marso 19.

Orihinal na iniaatas ng UHC Act na taasan ang premium contribution rates hanggang 2025 upang matiyak ang financial health ng PhilHealth. Gayunpaman, idiniin ni Go ang hindi inaasahang epekto ng pandemya at ang idinulot nitong krisis sa ekonomiya.

“Mr. Chair, alam naman po natin na hindi natin inasahan ang nangyaring pandemya at krisis na pinagdaanan natin. I am certain that when the 17th Congress included in the law the premium rate increases, no one in this Chamber knew what was about to hit us,” ani Go.

Ang pagkabahala ng senador ay sumasalamin sa paghihirap na kinakaharap ng maraming Pilipino, kabilang ang pagkawala ng trabaho, pagsasara ng negosyo, at araw-araw na pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan.

“Kaya po sa tingin ko, nararapat lang na rebyuhin ulit ang mga itinakdang pagtaas sa kontribusyon sa PhilHealth para makatulong tayo sa pag-recover ng ating mga kababayan mula sa pandemya. Marami ang nawalan ng trabaho at marami ang nagsarang mga negosyo,” ani Go.

Sinabi ni Go na karamihan, lalo ang mga indibidwal na nagbabayad na mga miyembro tulad ng overseas Filipino workers (OFWs), ay hindi kayang bayaran ang pagtaas ng premium.

Ginunita ng senador ang sama-samang panawagan sa Executive Department, sa pangunguna ng dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021, na suspindihin ang pagtaas ng premium ng PhilHealth.

Sa iminungkahing susog ay layong ipakilala ang bagong scale na binabawasan ang premium ng PhilHealth mula 2024 hanggang 2027.

Binigyang-diin ni Go ang kawalan ng katarungan ng pagpapataw ng karagdagang pasanin sa pananalapi sa mga nahaharap na sa matinding paghihirap kung kaya isinulong niya para sa gobyerno na palawigin ang bawat posibleng kaluwagan habang nagrerekober ang bansa.

“Lahat ng palugit na pwede nating maibigay habang tayo ay nagre-recover pa, ibigay na po natin. Balansehin lang natin ito para hindi rin mailagay sa alanganin ang kabuuang pondong pangkalusugan na makakatulong sa mas maraming Pilipino,” ayon kay Go. RNT

Previous articlePertussis outbreak idineklara sa QC
Next article5 sugatan sa sunog na sumiklab sa residential area sa Mandaluyong