UMAABOT na sa tatlumpo ang bilang ng mga namatay mula sa mga protesta laban sa katiwalian na pinamumunuan ng mga kabataan sa Nepal.
Dahil dito, napilitang magbitiw ang Punong Ministro ng Nepal na si KP Sharma Oli na nag-iwan din ng mga nangasunog na gusali ng gobyerno sa buong kabisera at kung saan-saan pa.
Nagsimula ang kaguluhan sa Nepal noong Lunes bilang isang self-styled “Gen Z protest” laban sa katiwalian, nepotismo at mga paghihigpit sa social media. Mabilis itong lumaki matapos pagbabarilin ng mga puwersang panseguridad ang mga nagprotesta.
Pagsapit ng Martes, sinugod at sinunog ng mga nagpoprotesta ang parlyamento, ang Korte Suprema at maraming tanggapan ng gobyerno, kabilang ang Singha Durbar – ang central administrative complex.
Ang mga tahanan ng mga pinunong pulitikal ay inatake, sinira ang mga istasyon ng pulisya, at saglit na isinara ang Tribhuvan International Airport.
Hindi natin ninanais na mangyari ang ganitong senaryo sa ating bansa sa kabila ng napakagarapal at napakalalim na katiwalian sa pamahalaan.
Ang gusto natin ay magkaroon tayo ng hustisya sa ginawang pambabalahura ng mga politiko at kontratistang nagnakaw sa trilyones na pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga ghost flood control projects.
Narinig na natin ang mga testimonya na nagdedetalye ng iba’t ibang mga pakana ng katiwalian. Pinangalanan na rin ang mga pampublikong opisyal na nagmaniobra at nakinabang sa maruming transaksyon.
Kabilang sa mga pinangalanan ay mga senador, kongresista at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways. Nakita rin natin sa mga lumabas na larawan ang limpak-limpak na kinamal nilang salapi. Sobrang nakapanlulumo na matuklasan kung paano tayo dinambong ng mga animal. Ang sila’y namumuhay ng masarap, marami namang Pilipino ang naghihirap sa gutom at baha.
Ngunit ang mga hayop, ay ayaw umamin sa akusasyon. May ilang nagbabanta pa na magsasampa ng mga kasong perjury at iba pa laban sa mga kontratista at sinibak na mga opisyal ng DPWH gayong sila-sila ang magkakasabwat.
Binaboy din ng mga politikong epal ang imbestigasyon sa katiwalian para mailigtas ang kanilang mga kakampi at maisalba ang mga sarili. Hindi na tuloy naniniwala ang maraming Pilipino na ito’y malulutas at walang umaasa.
Kaya naman nagsisimula na ang mga probokasyon para sa isang malawakang protesta at marami na ang nahihimok.
Binubwenas pa rin ang ating mga pinunong epal, lalo na ang Pangulo, kasi’y malamig pa ang ulo ng karamihan sa mga Pilipino sa kanilang pagtataksil at mapagpanggap na pamamahala.
Pero huwag silang masyado magtiwala. Baka magising na lang sila isang araw na isa-isa nang sinisipa at inihahagis ng isang sambayanang protesta, tulad sa Indonesia at Nepal.






