Home OPINION ANG PROTECTED AGENT NG NBI

ANG PROTECTED AGENT NG NBI

NABALITAAN  kong nakatakdang magretiro si National Bureau of Investigation Director Medardo de Lemos noon pang nakaraang taon. Noon at hanggang ngayon, mistulang napabilib niya ang kanyang mga boss sa Malacañang kaya nananatili pa siya sa puwesto.

Usisain ko lang sana kung ano ang naging aksiyon niya laban sa may pakana ng ago-go dancer performance na nagpalipat-lipat pa ng mesa sa socials night kasunod ng national command conference ng NBI sa isang respetadong hotel sa Maynila pitong buwan na ang nakalipas.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na paiimbestigahan niya ang insidente, na inilarawan niyang “the kind of misbehavior we don’t need in the country.” Dapat ay tinanong niya ang kanyang NBI Chief kung sino ang papanagutin sa pangyayari na nagbigay ng kahihiyan sa kawanihan at sa mismong sangay ng hudikatura.

Maging si CSC Commissioner Aileen Lizada ay nagsabing inoobliga ng batas na kumilos nang disente ang mga kawani ng gobyerno, inaming siya man ay nagtaka kung paanong ang mga opisyal ng ahensiyang tulad ng NBI, na nagliligtas ng kababaihan mula sa human trafficking, ay nagawang maaliw sa nasabing pagtatanghal.

Ayon sa aking mga espiya sa NBI, ang lalaki sa likod ng insidenteng iyon ay isang IA o intelligence agent na co-terminus daw kay De Lemos. Ano bang klase ang mga tauhan ni De Lemos? Ang balita ko, may reklamong isinampa sa Civil Service Commission laban sa lalaking ito dahil sa pamimili umano ng boto sa barangay elections noong Oktubre, korapsiyon, at iba pa.

Sa kabila nito, wala man lang pag-aapura sa panig ng NBI director na imbestigahan ang taong ito internally. Director De Lemos, baka sakaling interesado kang malaman na ilang tauhan mo ang nagsususpetsang nagpapayaman sa puwesto ang taong ito sa iligal na paraan dahil nagpapanggap siyang mula sa pinakamatataas na tanggapan ng NBI. Hindi na siguro nakagugulat kung kabilang ang mga opisina mo sa ginagamit niya.

Ang nasagap ko pa, ang mapagsamantala at mapagkunwaring tao na ito ay pinagtsitsismisan na rin tungkol sa pinanggalingan ng biglaang yaman ng kanyang pamilya sa Occidental Mindoro. Talaga ba? Napapaisip sila kung paanong bigla siyang sumabak sa shipping at mayroon na ring sariling hotel sa kanilang lugar sa maikling panahon ng paglilingkod niya sa NBI.

Ang bulung-bulungan, sinasamantala raw ng taong ito ang malapit niyang ugnayan sa pinakamakakapangyarihan sa NBI. May katotohanan ba ito, Director De Lemos?

Sa ngayon, nakaantabay lang akong maisapubliko ang ilang opisyal na dokumentong kinapapalooban ng kanyang pangalan para malantad ang mga detalye ng kanyang pananamantala at hindi magandang inaasal bilang agent ng NBI. Bago ko matanggap ang mga dokumentong ito, umaasa ako na umaksiyon na ang NBI director o maging ang Justice chief upang mapatalsik ang taong ito mula sa kawanihan.

Panahon na upang  kumilos sina De Lemos at Remulla — isalba ang NBI mula sa kahiya-hiyang tauhan nilang ito bago pa tuluyang madamay at mabahiran ng katiwalian ang buong institusyon. Nakakahiya na!

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).