Home NATIONWIDE Patay sa baha sa Kenya, 179 na

Patay sa baha sa Kenya, 179 na

KENYA – Umakyat na sa 179 ang bilang ng mga nasawi sa pagbaha at landslide mula noong Marso sa Kenya.

Ito ay dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan, na sumira na sa maraming tirahan, kalsada, tulay, at imprastruktura sa naturang bansa, kabilang pa ang kalapit na bansa ng Tanzania at Burundi.

Sa Kitengela, tinulungan ng mga tauhan ng Kenya Red Cross ang mga residente na makalikas mula sa mga nalubog nang tirahan sa kulay maroon na tubig-baha.

Sinubukan din nilang sagipin ang mga turista na natrap sa mga camps sa Narok, 215 kilometro mula sa Nairobi.

Sarado rin ang mga bahagi ng highway sa Nairobi dahil sa mga pagbaha at nagkalat na debris.

Dahil sa naranasang delubyo, nagpaabot na ng simpatya si Pope Francis sa mga taga-Kenya sa kanyang pagsasalita sa Vatican nitong Miyerkules, Mayo 1.

“I…wish to express to the people of Kenya my spiritual closeness at this time as severe flooding has tragically taken the lives of many of our brothers and sisters, injured others and caused widespread destruction,” sinabi ni Pope Francis. RNT/JGC