Home OPINION SOBRANG INIT AT PAGBABAGO SA ISKUL

SOBRANG INIT AT PAGBABAGO SA ISKUL

SA pagtatanong-tanong ng ating Uzi sa mga public school teacher, alam ba ninyong gusto ng marami sa kanila na dapat matapos ang school year sa kada Marso ng taon?

‘Yun bang === magsimula ang klase sa Hunyo at magtatapos sa Marso.

At tulad ng pagkakaalam ng marami, mga Bro, ang dahilan ng mga titser, perwisyo ang init ng panahon.

Napakarami, anila, ang suspensyon ng mga klase at naririyan pa ang half day lang na pasok na sobrang nakaiistorbo sa pag-aaral ng mga bata at pagtuturo ng mga guro.

Istorbo dahil ninanakaw ang oras sa pag-aaral ng paglalakad papunta at pauwi mula sa eskwela o pagbiyahe ng mga bata.

Istorbo rin sa mga titser ang pagpasok at hindi sa iskul kung blended ang pag-aaral.

Ang resulta? Kabobohan umano ng mga bata.

MGA PROGRAMA

May mga programa umano ang Department of Education na pwedeng ikansela o baguhin para pa rin sa mga bata at guro na rin.

Alam ba ninyong isinusuka ng mga titser ang national learning camp o NLC kung tawagin nila?

Itong NLC, para umano sa mas mahusay na pag-aaral ng mga bata, lalo na sa mathematics, English at science at para mas mahusay na pagtuturo ng mga guro.

May iskedyul ito na  July 1-19 o mahigit pa at sinusundan ito ng isang linggong brigada eskwela.

Ang mga problema rito?

Sa NLC, bumibiyahe pala ang mga guro at bata sa isang lugar para magtipon-tipon.

‘Yun pala, magastos pala ito at perwisyo sa mahihirap na magulang dahil dagdag-gastos.

Hinahanapan din pala ito ng mga sponsor at kung wala, galing sa mga titser ang maraming gastos.

Dapat umanong sibakin na lang ang programang ito, lalo’t hindi naman umano gumagaling sa math, English at science sa ganyang napakaigsing panahon.

Gayundin ang isang linggong brigada eskwela dahil pwede naman umanong tuloy-tuloy sa isang school year ito.

Paglilinis, pag-aayos ng mga sira, pagpipintura at marami pang iba.

Aktibo naman umano ang parents sa pakikipagtulungan para sa brigada eskwela.

Kung masibak umano ang dalawang programang ito na umuubos ng isang buwan, malaking kabawasan sa inaalalang iskedyul sa pagbabalik sa Hunyo-Marso na dating kalendaryo sa pasukan.

DEPED DAPAT MAKINIG

Dapat na makinig nang todo ang kabuuang pamunuan ng DepEd sa mga guro at magulang.

Unang kahilingan, dahil sa init ng panahon, ang pagpapaaga ng pasukan gaya ng dating kalendaryo upang hindi masira ang iskedyul ng pag-aaral at maligtas sa kapahamakan ang mga mag-aaral at guro.

Ikalawa, siyempre, ang pagbabawas ng mga aktibidad na nagiging pabigat umano sa mga mag-aaral at guro at isponsor dahil sa gastos at itinaon pa sa hirap ng buhay ngayon.

Kaugnay nito, maganda rin umanong binawasan ng DepEd ang mga subject sa susunod na mga panahon at may konsentrasyon sa mga kinakailangan talaga ng mga bata para maging produktibong edukado sa hinaharap at hindi na laging kulelat kumpara sa mga mag-aaral sa ibang mga bansa.