HINDI natin maikakaila na ang ating kasalukuyang mundo ay nakadepende na sa internet. Sa kasalukuyan, batay sa pagtataya, nasa mahigit 6 bilyong tao sa buong mundo ang gumagamit ng internet o katumbas ng 74 porsyento ng populasyon. Kabilang dito ang 97.5 milyong mga Pilipino, na katumbas naman ng 83.8 porsyento ng ating bansa.
Malaki ang nagawa ng internet sa buhay ng sangkatauhan simula nang matuklasan ito noong dekada ’60 at lalong umunlad noong dekada ’90.
Hindi masama ang internet; si Pope Francis mismo ang nagsabing isa itong “regalo mula sa Diyos” na nararapat gamitin sa tama at nang tama.
Nawawalang Anyo
Ngunit ang masaklap, unti- unti nang nawawala ang tunay na anyo at boses ng tao—hindi dahil sa internet mismo kundi sa pamamaraan ng paggamit natin dito. Sa bawat scroll, click, at swipe, napapalitan ang lalim ng kuwento ng bilis ng impormasyon. Sa bawat trending na paksa, natatabunan ang tunay na damdamin ng isang tao ng maiingay na opinyon ng marami. Nakalilimutan ang mga tunay na mukha at boses na nararapat na marinig, igalang, at pangalagaan.
Hindi na bago ang konsepto ng media bilang tagapagdala ng kuwento—mula radyo, telebisyon, dyaryo, hanggang social media. Ngunit sa paglipas ng panahon, nagbago ang paraan ng pagkukuwento. Ngayon, lahat ay may boses. Sa isang banda, ito ay tagumpay ng demokrasya. Ngunit sa kabilang banda, paano natin mapapanatili ang kredibilidad, dignidad, at pagiging makatao sa gitna ng ingay?
Tao o Simbolo?
Ang “mukha” ay hindi lamang pisikal na anyo; ito ay sumasagisag sa identidad at karanasan. Ang bawat mukha ay may kuwento ng pag-asa at pakikibaka. Ngunit sa kasalukuyang kalakaran, ang isang magsasaka o mangingisda ay nagiging simbolo na lamang ng kahirapan, ang biktima ay nagiging headline, at ang ordinaryong mamamayan ay nagiging content.
Gayundin ang “boses.” Ito ay representasyon ng katotohanan at karapatan. Ngunit ngayon, ang tunay na boses ay natatabunan ng mas malakas at mas viral na ingay. Mas pinapahalagahan ang dami ng likes kaysa sa katotohanan.
Ang Hamon ng Media
Dito pumapasok ang papel ng media bilang tagapangalaga. Halimbawa na lamang sa coverage ng mga sakuna. Sa likod ng bawat larawan ng nasalanta ay isang tao na may pamilya at dignidad. Ang tanong: Naipapakita ba ito ng media, o nagiging instrumento lamang ang kanilang paghihirap para sa ratings?
Ang trauma-informed reporting ay dapat mas bigyang-pansin. Ito ay ang paraan ng pagbabalita na isinasaalang-alang ang sikolohikal na kalagayan ng mga tao. Hindi lahat ng detalye ay kailangang ilahad lalo na kung ito ay magdudulot ng ibayong sakit. May mga pagkakataong ang respeto ay mas mahalaga kaysa sa pagiging eksklusibo.






