Home OPINION NEA SA GITNA NG PARATANG NA PAMIMILIT AT PABORITO

NEA SA GITNA NG PARATANG NA PAMIMILIT AT PABORITO

103
0

LUMALALIM ang krisis ng tiwala sa National Electrification Administration habang sunod-sunod ang alegasyon na ang ahensyang dapat ay tagapangalaga ng interes ng mga electric cooperative ay tila nagiging instrumento ng pamimilit.

Sa halip na magbigay ng direksyon at suporta, binabatikos itong umano’y nangingibabaw at nagdidikta ng mga desisyong dapat sana’y kolektibong pinagpapasyahan.

Mas mabigat ang usapin dahil ang mga paratang ay hindi simpleng hinaing kundi may kasamang dokumento at testimonya mula sa mga sektor na direktang apektado.

Sa South Cotabato, lumutang ang reklamo na ang mga lider ng electric cooperative ay napipilitang sumunod sa kagustuhan ng NEA kahit labag sa interes ng kanilang mga miyembro. Kung ito ay totoo, malinaw na paglabag ito sa prinsipyo ng kooperatiba na nakabatay sa demokrasya at partisipasyon.

Sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., malinaw ang panawagan laban sa korapsyon at pang- aabuso sa kapangyarihan. Kaya nakakagulat kung may mga ulat na tila kabaligtaran ang nangyayari sa loob mismo ng isang ahensya ng gobyerno. Ang ganitong uri ng pamamalakad ay hindi lamang usapin ng maling polisiya kundi posibleng abuso ng kapangyarihan.

Pinatindi pa ito ng akusasyon ng “Bantay Kuryente Movement” hinggil sa umano’y iregularidad sa pagpili ng pribadong partner ng isang electric cooperative. Ang sinasabing “sweetheart deal” ay hindi basta isyu ng negosyo kundi maaaring indikasyon ng sistematikong paboritismo. Kapag may bahid ng ganitong kasunduan, nawawala ang patas na kompetisyon at nasasakripisyo ang kapakanan ng mga konsyumer.

Hindi rin maikakaila ang seryosong usapin ng ‘conflict of interest’ na iniuugnay kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, lalo na kung may koneksyon ang kanyang pamilya sa kompanyang posibleng makinabang.

Dagdag pa ang tanong sa kakulangan ng malinaw na dokumentasyon sa bilyong pisong pondo mula sa bayad ng publiko. Ang ganitong mga isyu ay hindi maaaring balewalain o palampasin.

Kung mananatiling tahimik ang NEA sa pangunguna ng administrador nito sa harap ng mga paratang, lalo lamang nitong pinatitibay ang hinala ng publiko. Ang kapangyarihan ng isang ahensya ay hindi lisensya upang manupil o magdikta tulad umano ng ginagawa ni Almeda. Panahon nang maglatag ng buong katotohanan, dahil ang sektor ng kuryente ay hindi dapat maging larangan ng impluwensya at pansariling interes kundi serbisyo para sa bawat Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here