Home OPINION ANGAT DAM WATER LEVEL PATULOY NA BUMABABA, ALOKASYON BINAWASAN NG NWRB

ANGAT DAM WATER LEVEL PATULOY NA BUMABABA, ALOKASYON BINAWASAN NG NWRB

Bahagyang binawasan ng NWRB o National Water Resour­ces Board ang alokasyon ng tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System dahil sa patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Mula sa dating 50 cubic meters per second ay ginawa na lamang itong 49 cubic meters per second epektibo nitong May 16, 2024 hanggang sa pagtatapos ng buwan. Pero paglilinaw ng NWRB, walang water interruptions na inaasahan maliban sa pagbaba ng water pressure.

Kinakailangang simulan na ang pagtitipid sa paggamit ng tubig ng mga nasa Metropolitan Manila. Alam n’yo bang nasa 180.07 meters na lamang ang antas ng tubig sa Angat dam nitong May 22, 2024, malayo mula sa normal range 212 meters?

Todo na ang pagbabantay ng NWRB sa naturang dam upang maiwasan ang pag-abot nito sa critical level na 160 meters para sa drinking water at 180 meters para sa irrigation.

Paliwanag pa ng NWRB, maliit lamang ang ibinawas sa alokasyon pero ito umano ay katumbas ng pangangailangang tubig ng nasa 400,000 na tao. Ang Maynilad Water Service ay may sineserbisyuhan na 9.9 million households habang ang Manila Water Company ay nasa 7.6 million households.

Pangako ng dalawang water concessionaires, walang water interruptions na mangyayari pero asahan ang low water pressure na ipatutupad ng Manila Water simula 9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga habang ang Maynilad Water ay mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Ayon sa NWRB bagama’t napadadalas ang pag-ulan tuwing hapon hanggang gabi, ngunit hindi naman sa mismong watershed o lugar malapit sa Angat Dam, Ipo Dam o La Mesa Dam man lamang bumuhos ang ulan kaya mababa at walang epekto sa antas ng tubig ng dam.

Binawasan din ang alokasyon para sa National Irrigation Authority na nasa 12 cubic meter per second na lamang. Pero walang malaking epekto ito sa mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga dahil nakatakda na ring anihin ang mga palay.

Muli namang hiniling ng DENR o Department of Environment and Natural Resources ang pagtitipid at responsableng paggamit sa tubig.

Payo ng kagawaran kung may kakayahan naman ang mga pamilya ay maaari silang bumili ng drum na maaaring mapaglagakan ng tubig ulan na pupuwedeng gamitin sa paghugas ng mga sasakyan, pagdilig sa halaman, panlinis ng bahay, at pambuhos sa banyo.

Ipinagbabawal na rin ng DENR ang paggamit ng mga infla­table pool dahil nangangailangan ito ng maraming tubig.