Home NATIONWIDE Ano ang Isang Mobile Hotspot?

Ano ang Isang Mobile Hotspot?

Dahil sa moderno nating pamumuhay ngayon, bawat tao ay inaasahang laging konektado. Digital na ang karamihan ng ginagawa natin gaya ng pamimili, pagbabayad, pag-aaliw at kung ano-ano pa. Nasaan ka man, kailangan na talagang nakakonekta ka sa internet, gamit mo man ay Wi-Fi o data.

Isang paraan upang manatiling konektado sa internet ay ang data. Ang paggamit ng data connection ay kalimitan sa mga smartphone. Hindi na kasi kailangan ng ano pa mang hardware para magkaroon nito, hindi gaya ng sa Wi-Fi na nangangailangan ng modem. Kung nais mo namang ibahagi ang data connection na ito sa iba pang device, kailangan mong paganahin ang iyong mobile hotspot. Ito ang paksa natin ngayon.
Ano nga ba ang mobile hotspot?

Ang mobile hotspot (o tinatawag din minsang portable hotspot) ay isang hotspot na madadala mo kahit saan. Samantalang ang isang “regular” na hotspot ay nangangailangan ng isang pisikal na lokasyon (kadalasan ay nakapirmi lang), makagagawa ka ng mobile hotspot gamit ang data connection ng smartphone mo para ikonekta ang iba mo pang device sa internet.

Ang mobile phone mo na ang magsisilbing modem para sa pagkonekta sa internet ng iba mo pang device. Ang tawag sa prosesong ito ay “tethering”. Kaya hangga’t dala mo ang smartphone mo, saan ka man magpunta ay maaari mo ring ikonekta ang iba mo pang device sa internet.

Iba-iba marahil ang paraan ng pag-set-up depende sa network mo o service provider, pero karaniwang makikita ang mga palatuntunan sa Settings o Manage Connections menu ng smartphone mo. Kailangan mong malaman na kapag kumonekta ang ibang device sa mobile hotspot mo, kokonsumo sila ng data na nagmumula sa data allowance ng smartphone mo.

Isa pang mahalagang malaman ay maaari kang magtakda ng Wi-Fi password para sa mobile hotspot mo para hindi makakonekta ang mga hindi mo nais na makakonekta sa mobile hotspot mo.

At siyempre kapag konektado ka sa internet, mas makikinabang ka rito kung mas mabilis ang koneksyon mo. Para malaman kung mabilis ang koneksyon mo, maaari kang sumubok ng mga speed test na makakapagbigay ng malinaw at de-numerong resulta ng internet status mo. Ang PLDT Home ay nag-aalok ng internet speed test tool para malaman ang bilis ng internet mo. Kaya ng tool na ito na ibigay ang bilis ng download at upload, maging ang ping at jitter.

Kaya naman, kung nagnanais ng mas maayos na karanasan sa paggamit ng mobile hotspot, mainam na masuri muna ang bilis ng internet na gamit mo sa smartphone mo. Nais mo mang mag-stream, upload o download, ang mabagal na koneksyon ay tunay na isang sumpa. RNT

Previous article5 Tip Para Mapabuti ang Kalidad ng Iyong Video Call
Next articleAno ang Pinagkaiba ng IPv4 at IPv6?