Home OPINION ANONG BUTING DULOT NANG LAHAT NA ITO?

ANONG BUTING DULOT NANG LAHAT NA ITO?

ISA na marahil ito sa pinakamasalimuot na kabanata ng pulitika na aking nasaksihan sa tanang buhay ko; at ang nakalulungkot, mararanasan nating lahat ang kahihinatnan ng mga kasalukuyang nangyayari.

Hindi na mababawi pa ni Vice President Sara Duterte ang buong linaw na sinambit niya sa harap ng online camera na kumalat sa buong internet universe: isang “no joke” na planong patayin sina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Martin Romualdez.

Nasindak ang buong bansa, at ngayon maging ang buong mundo, matapos na ipagbanduhan ng international media ang nakapanghihilakbot na deklarasyon ng Bise Presidente.

Halata naman sa mga huling pahayag niya sa media na napagtanto na niya, sa ligal na perspektibo, ang seryosong implikasyon ng kanyang sinabi.

Ang naging aksyon ng National Bureau of Investigation — mula sa pag-iisyu ng subpoena hanggang sa pag-iimbita sa kanya para tanungin, hanggang sa pagtugis sa kanyang umano’y mga kasabwat — ay nagpapahiwatig na matindi ang naging epekto ng kanyang isinapublikong pagbabanta.

Ang malinaw na paninindigan ng kagawaran ng hustisya na walang sinomang opisyal, anoman ang posisyon, ang makaiiwas sa pananagutan ay nagbibigay-diin na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi lamang basta media optics para kay Inday Sara, kundi tungkol sa pagtutuos na ligal at pulitikal.

Hindi biro ang mga kasong kahaharapin niya: grave threats, paglabag sa Anti-Terrorism Act, sedition, at maging impeachment.

Lalo pang nagpalala sa problema ang kabiguan niyang diretsahang sagutin ang mga alegasyon ng maanomalyang paggamit ng pondo ng Office of the Vice President at Department of Education.

 At dahil nagpakawala rin si Duterte ng sangkatutak na nakaeeskandalong mga akusasyon laban sa Speaker of the House, sa First Lady, at sa Presidente, ang labanang pulitikal sa ngayon ay wala nang kinalaman sa prinsipyo, kung sa nakahihiyang korapsyon at paglulustay sa pera ng taumbayan.

Sa totoo lang, saan tayo maaaring pumanig sa ganitong toxic scenario ng mga nalantad na krimen laban sa bansa ng mismong pinakamatataas na opisyal ng gobyerno? Sinong matutuwa sa ganitong nakaririmarim na mukha ng pulitika gayong lumilikha ito nang masalimuot na kawalang katatagan para sa bansa?

Anoman ang resolusyong kahihinatnan ng krisis na ito — mauwi man sa paglilitis ng kasong kriminal o impeachment — tiyak pa rin itong mag-iiwan nang nagbibitak-bitak na gobyerno at talunang publiko. Ang resulta ng mga ginawa ni Duterte ay higit pa sa personal niyang kagagawan; isinadlak nila ang bansa sa giyerang pulitikal, hinamon ang katatagan ng mga institusyong kinabibilangan nila.

Kaugnay sa isasagawang midterm elections sa susunod na taon, ang epekto ng away-pulitikang ito ay posibleng magpabago sa kabuuan ng pulitika sa bansa. Kasabay nang pagkadurog ng kredibilidad ni Duterte, ang nakagugulantang na mga akusasyon niya laban sa administrasyong Marcos at sa mga kaalyado nito ay nakakaimpluwensya rin sa mga Pilipino, na matagal nang umay sa sistematikong korapsyon sa bansa.

Ang kakatwa rito, ang mismong mga kasong isasampa kay Duterte ay lalo lamang nagpaigting sa kawalan ng tiwala sa gobyernong inaakusahan niya ng kaparehong kabulukan.

Hindi lamang marahil pagwawatak-watakin ng halalan ang mga alyansa; maaari rin nitong baguhin ang pagpanig ng kapangyarihan sa Kongreso. Ang mga botong nakisisimpatiya o pagiging matapat ng mga die-hard na tagasuporta ng mga Duterte ay maaaring magpataas sa kanyang numero, na posibleng makabawas sa impluwensya ng grupo ni Romualdez — sino bang may gusto sa kanya? — at ng mayorya ng Senado.

 Kapag nangyari ito, ang Kongreso ay maaaring maging matatag na counterweight, at tuluyan nang magiging malamyang leader si President Bongbong sa mga natitirang panahon ng kanyang termino.

                           *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).